Ama, sa kamay Mo Ipinagtatagubilin ko ang aking Espiritu

At si Jesus, na sumigaw ng malakas na tinig, ay nagsabi, Ama, sa mga kamay mo ay pinagtatagubilin ko ang aking espiritu: at pagkasabi nito, ay nalagot ang hininga. Luk 23:46

Ito ang pinakahuling salita dahil nalagutan na ng hininga pagkatapos na bigkasin.  Ang Dios na kanyang ipinakilala ay tinawag niyang “Ama”.  Sa kanyang katuruan, tingnan natin ang ilan sa mga kataga na naglalaman ng Dios o Ama.

Ama, sa kamay Mo Ipinagtatagubilin ko ang aking Espiritu-The Crucified Christ

Sa kanyang pagtuturo

▪Sa kanyang sermon on the mount walong (8) beses niyang nabanggit ang Dios.  Lumitaw ang Dios na maasahan, Dios na mang-aaliw, tapat na Dios,, mahabaging Dios, kaharian ng Dios . . .

▪Nagturo tungkol sa kautusan at ang kautusan na ito ay walang ibang may akda kundi ang Dios na naghahari sa kanyang kaharian.

▪Nagturo siya na hindi maganda ang maghandog sa Dios na ikaw ay galit sa iyong kapatid.

▪Nagturo siya na ang langit ay trono ng Dios

▪Ibigin ang kaaway upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit.

▪Huwag maging mapagpaimbabaw sa paglilimos, panalangin, pag-aayuno dahil may Amang nakakikita sa bawat kabutihang ginawa ng bawat isa.

▪Pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Dios at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ipagkaloob niya ang lahat ng kailangan ninyo.  Kaya huwag ikabahala ang para sa araw ng bukas.

▪Huwag ningyong hatulan ang inyong kapwa, upang hindi kayo hatulan ng Dios.

▪Ang Ama na nasa langit ay nagbibigay ng mabubuting bagay sa mga humihinga sa kanya.

▪Ang lahat ng sumusunod sa kalooban ng Amang nasa langit ay papasok sa kaharian ng langit.

▪Sinugo naman niya ang kanyang mga lalagad upang ipangaral ang malapit na paghahari ng Dios.

▪Nagturo na huwag katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa, sa halip katakutan ang nakapapatay ng kaluluwat at katawan sa impierno.

▪Ang sinumang kumilala o magtatwa sa kanya ay kikilanlin o itatatwa sa harapan ng kanyang Ama sa langit.

▪Ginamit niya ang talinghaga ng manghahasik, talinghaga tungkol sa mga damo, talinghaga ng butil ng mustasa, libadura, natatagong kayamanan, perlas, at lambat upang ipaliwanag ang paghahari ng Dios.

▪Sa kanya, sa mata ng Dios ang nagpaparumi ay hindi ang pumapasok sa bibig kundi ang lumalabas.

▪Nagbigay ng katatagan sa kanyang mga alagad nang sinabi niyang, “Ang tumatanggap sainyo at tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.

▪Noong nagpakain ng apat na libo at limang-libong katao ay nagpasalamat sa Dios.

▪Noon naharap siya sa nasa kapangyarihan at tinanong ang basehan ng kanyang kapangyarihan, sinabi niyang, “ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar at sa Dios ang sa Dios

▪Noon tinanong tungkol sa muling pagkabuhay at sumagot, “Sa buhay na ito ang mga lalaki at mga babae’y nag-aasawa, ngunit ang mga lalaki’t babaing karapat-dapat na muling buhayin para sa kabilang buhay ay hindi na mag-aasawa.  Hindi na sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga angel.  At sila’y mga anak ng Dios yamang muli silang binuhay.

▪Bago mahuli pumunta sa bundok ng mga Olibo at nanalangin ng ganito, “Ama. Kung maari’y ilayo mo sa akin ang sarong ito.”

▪Humarap siya sa pinakamataas na hukuman (tinatawag na Sanedrin) at tinanong siya kung siya ang Mesias, sumagot siya, “Mula ngayon ang Anak ng Tao ay uupo sa kanan ng Makapangyarihang Dios.”

▪Noong siya’y ipinako, nakadarama ng matinding pait ng buhay, walang inisip kundi ang manalangin at namutawi sa kanyang bibig ang “Ama patawarin mo sila pagkat di nila nalalaman ang kanilang ginagawa.

▪Bago malagutan ng hininga, nanalangin sa Ama, at ipinagtagubilin ang kanyang espiritu.

Bakit nating nabanggit ang mga ito?


May tatlo akong nakita sa mga kataga ng Jesus?        

1.  Pinagtitibay niya ang pananampalataya ng mga tao sa iisang Dios at pinatutunayan niya na may Dios.
Ang Dios na ito siyang hari ng lahat.  Kung gayon ang lahat ng mga kaharian ay dapat kumilala sa kanya.  Ang mga pamunuan ay dapat kasangkapan ng Dios na ito upang mangyari sa lupa ang nasa langit na kinagigiliwan at inaasam-asam ng mga tao.  Ang mga nanunungkulan gaya ng mga Herudes, gaya ni Pilato, gaya ng Sanedrin, gaya ng mga Sacerdote, Pariseo, presidente, Senado, Kongreso, gobernador, mayor, mga kapitan hanggang sa pinakamababang posisyon, maging sa lahat ng mamamayan ay tumalima sa Dios, gawin siyang patnubay nila upang sila’y makapamuno at sumunod ng may kaayusan.  Sikaping igawad o ilapat sa bawat isa ang katarungan.

Ang isang komunidad na walang Dios ay masasadlak sa kawalan ng kaayusan.  Magkawindangwindang ang buhay ng mga tao dahil sila’y nabubuhay sa kadiliman.

2.  Pinatutunayan niya na siya ang Mesias.
Siya ang pinadala ng Dios at siya ay sa Dios.  Sa lahat ng panahon na itinigil niya dito sa mundo at nakihalobilo sa mga makasalanan ay hindi nagpaapekto bagkus siya ang bumago sa buhay nila, sa buhay mo at sa buhay ko.  Sa panahong malaya man o kagipitan, maging sa panahon ng pagsubok nanindigan sa Dios.  Maging si Satanas na manunukso ay tinuruan na sumamba sa Dios na Panginoon. Walang nagawa si Satanas upang makuha ang kanyang katapatan.   Ang hapdi ng sugat, ang talas ng pako, ang init ng sikat ng araw, ang pangugnutya, at ang kamatayan ay hindi nakayanang pawiin ang katalagahan niya sa Dios na nagsugo.  Ang Mesias ay hindi superhero, siya ay isang tao, vulnerable.  Ngunit sa kanyang pagiging vulnerable ay lalo niyang itinaas ang Dios.  Ito ang uri ng buhay gusto niyang iwan sa bawat mananampalataya sa Dios.  Ang lahat ay nangyayari, hindi mapigilan ang kaganapan at ang tao ay di ligtas sa lahat ng sakuna, at kalungkutan.  Ngunit sa mga ganitong kalagayan, dapat maisip ng tao na siya ay tao at may Dios na dapat kublihan sa lahat ng panahon at karanasan.  Sa pamamagitan ng pagtitiwala ang mga bagay na nawawala, ay nag-iiwan ng kabuluhan sa ating. Buhay.

3.  Pinatutunayan niya na may buhay at kaluluwa ang tao sa kabila ng kamatayan.

Nagumpisa ang kanyang labi sa Ama ay nagtapos din sa Ama.  Ang tao ay tinawag na buhay na kaluluwa.  Ngunit hindi puedeng sabihin na buhay pag hindi na gumagalaw.  Yayamang ang kaluluwa lamang ang buhay patay na ang katawan.  Ang katawan ay kasangkapan ng kaluluwa/espiritu/buhay.  Pag bumalik na ang buhay sa pinanggalingan ay mabubulok na ang katawan.  Ang sinabi ni Jesus na ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu sa iyong kamay ay patunay na sinusuportahan niya ang kaisipan na ang buhay ay nagpapatuloy sa bakila ng hindi mapigilang pag-agnas ng katawang pan-lupa, at ang buhay na ito ay pinangangalagaan ng Dios na nagmamay-ari.

Bilang pangwakas, kung si Jesus na Panginoon ay kumilala sa isang Dios, sa kanyang buong buhay, maliwanag na itinuturo niya sa atin na lahat ng tao: maykapangyarihan o wala, maypinag-aralan o wala, mayaman o dukha, may sakit o wala ang may akda ng buhay ng lahat ay ang Dios. Dapat lang na sambahin at pag-ukulan ng paggalang dahil sa kawakaswakasan siya ang ating pupuntahan.  I believe, “God is our being, without Him we are nothing.”  Amen.