Ang Eukaristiya

Eucharist Religion Sacrament UCCP AKO

Ang kahulugan ng eukaristiya sa ating buhay bilang mga mananampalataya ay siyang lakas natin na magpapatuloy sa pagaalaala at pagsasabuhay sa mga katuruan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.

Ang mga sumusunod ay makakatulong sa ating pang-unawa kung ano ang eukaristiya.

Teksto:

1Co 11:23  Sapagka’t tinanggap ko sa Panginoon ang ibinibigay ko naman sa inyo; na ang Panginoong Jesus nang gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay:

1Co 11:24  At nang siya’y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at sinabi, Ito’y aking katawan na pinagputolputol dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.

1Co 11:25  At gayon din naman hinawakan ang saro pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito’y siyang bagong tipan sa aking dugo: gawin ninyo ito sa tuwing kayo’y magsisiinom. Sa pagaalaala sa akin.

1Co 11:26  Sapagka’t sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya.

 

ANG EUKARISTIYA

Sacrament—a rite considered to have been established by Christ as a channel for grace: the Roman Catholic and Greek Orthodox sacraments are baptism, the Eucharist, the anointing of the sick, confirmation, holy orders, penance, and matrimony; the Protestant sacraments are baptism and the Lord’s Supper.

 

Pagpapasalamat sa Diyos

Sa Eukaristiya ang Iglesia ay nagkakaroon ng pagpapasalamat sa kabutihan ng Diyos.  At sa ating pagpapasalamat ay ating tinatanggap na may pagpapala na galing sa Diyos na hindi natin nakayanan sa pamamagitan ng ating sarili.

Marami tayong dapat pasalamatan sa Diyos.  Sabi nga ng manunulat ng Tesalonica Sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayo’ sapagka’t ito ang kalooban ng Dios kay Cristo tungkol sa inyo” (1Th 5:18 .)

Mahirap magpasalamat sa Diyos sa mga karanasang mabibigat na nagbibigay sa atin ng maraming katanungan.  Kung ikaw ay dumaan sa isang malubhang sakit at halos naubos ang inyong kayamanan.  Kung ikaw ay kailanma’y hindi pa napapagaling sa iyong karamdaman sa tagal ng panahon.  Kung ikaw ay ninakawan, pinagsamantalahan, nasunugan, pinagsarhan ng bangko,  at iba pang kagaya ng mga ito, marahil magdadalawang-isip kang magpasalamat.

Madali at mabilis magpasalamat kung tayo ay nakatatanggap ng pagpapala.  Kadalasa’y napapaawit ka, napapangiti, maaliwalas ang mukha at hindi maipinta ang kasiyahan o kaligayahan sa buhay.

Ngunit magkabilaan man ang karanasan, kung tayo ay kabahagi ng eukaristiya, ay nalalagpasan natin lahat.  Unang-una ipinagpapasalamat natin ang ating buhay dahil mayroon pa tayong hininga, humahakbang pa, humihinga pa, at nakain pa.

Ito’y isang pagkakataon din na ating mapansin ang kadakilaan ng Diyos sa kanyang hangarin na maipagkasundo ang nagkasala sa kanya at sa kanyang kabanalan.  Masarap damhin na tayong dating palaboy ay may tahanan na tutuluyan at tayo’y tuluyang tinatanggap.  Tayong dating suwail, rebelde sa Diyos ay ipinagkasundo na at tayo ang nagsasalita sa kapakanan ng buong mundo.

Ang Eukaristiya ay pagtanaw ng utang na loob dahil tayo’y kinaawaan ng Diyos.  Ang Diyos ay kumilos para sa ating ikabubuti at ikararangal.

Sa ating pagsasalosalo ngayon sa Banal na Hapunan, ating ipinaparating sa Diyos ang ating pagpupuri at pasasalamat sa mga bagay na hindi natin magawa sa ating buhay ngunit ito’y binigyang pansin at halaga.

 

Isang Pag-alaala kay Kristo

Sa salitang English ay “anamnesis”, “reminiscence”, “recollection”.  Ano ba ang dapat nating bigyang alaala?  Di kaya dapat alalahanin ng bawat isa na may isang Kristo na napako nanaog sa lupa, napako sa krus, at muling nabuhay.

Ngunit ito’y hindi lang pag-aalaala kung bakit humantong sa kamatayan si Jesu-Kristo.  Kailangang matanong natin ang ating sarili, bakit kaya namatay si Jesu-Kristo?  Dahil walang ring saysay na tayo ay nagkatipon at nalaman natin na may namatay sa krus at hindi natin usisain ang dahilan kung bakit siya namatay.

Marahil wala tayong ibang maisip kundi bigyang alaala si Jesus dahil sa kanyang ipinakitang pagmamahal ng Diyos kaya siya namatay.  Ngunit ito’y walang saysay din kung hindi natin bigyang alaala ang katatayuan ng lipunan kung bakit naawa ang Dios at ipinadama ang kanyang pagmamahal.

Ang Eukaristiya ay isang pagaalaala at ito’y nangangahulugan ng pagbabalik-tanaw sa kaawaawang kalagayan ng tao na gustong baguhin ng Dios.  Ang taong nagkasala ay hinahango ng Dios mula sa kanyang kinasadlakan upang siya ay magsisi sa kanyang kasalanan.  Dahil sa kanyang kalagayang papunta sa kasiraan, ang Dios ay nagpadama ng kanyang pagmamahal para bumalik ang tao sa dati niyang kalagayan na noong pa bago siya maging tao ay ini-angkop ng na Dios ang katangian at pagkatao na kawangis niya.

Tayo ay nagkatipon upang bigyang diin ang ating sarili sa harapan ng Dios na banal at mapagmahal.  Ang pagaalaala ay tinatanong din sa ating sarili ang, “Sino tayo sa nakaraan at sino tayo ngayon, ano tayo noon at ano tayo ngayon?

 

Isang paghibik ng Espiritu

Tuwing tayo’y nagkakatipon ay nagbabahaginan ng tinapay at saro.  Ito’y nangangahulugang humihibik ang Espiritu ng Dios.

Ayon sa tala-salitaan, ang paghibik sa English ay “groan”, na ang ibig sabihin, “to make a deep, inarticulate sound expressive of derision, disapproval”

Ang humihibik ay may malalim na paghinga dahil sa isang kalagayan.  Marahil ito ay kanya o sa iba at ito ay isang kalagayan na hindi nararapat o di katanggaptanggap.  Kaya’t ang paghibik ay isang uri ng damdamin na nagsasambulat ng hindi pagsang-ayon.

Ang Espiritu ay humihibik dahil hindi sumasang-ayon sa kalagayan ng tao na papunta sa kasiraan.  Ito ay kanyang ikinalulungkot, ito’y kanyang iniiyakan dahil ito’y hindi nararapat.

Sa kabilang panig at kahulugan ang paghibik ay isang pakikipag-ugnayan, pakikiusap, at paghingi.  Sa Rom 8:26, sinasabi “At gayon din naman ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan: sapagka’t hindi tayo marunong manalangin ng nararapat; nguni’t ang Espiritu rin ang namamagitan dahil sa atin ng mga hibik na hindi maisasaysay sa pananalita”.  Ang Espiritu ay nakikiusap sa Diyos para sa ating kalagayan, kapakanan.  Siya ang namamagitan para sa atin. Kung magkagayon, nakikiusap siya sa Ama, at nakiki-usap din sa atin.

Sa pamamagitan ng Eukaristiya, ang Espiritu ay nakikiusap sa bawat isa sa atin na magpatuloy tayo sa kabanalan kung saan tayo tinawag ng Dios sa pamamagitan ng dugo ni Kristo.  Gayon din nakikiusap ang Espiritu sa Diyos na marapatin niya tayong katanggaptanggap sa kanya.

Marapat lamang na ating pakinggan ang paghibik ng Espiritu sa atin sa pamamagitan ng ating pagtanggap ng tinapay at alak.  At ating italaga ang sarili sa pamamagitan din ng ating paghibik sa Espiritu.

 

Pagsasama-sama ng mga Mananampalataya

Sa isang tahanan, ang dulang ay napakahalaga.  Dahil dito na sasamasama ang magkakasambahay.  Dito nila tinatamasa at pinakikinabangan ang anumang pagpapala na pinaghirapan ng buong sangbahayan.  Ang kabawasan ng kaanib sa dulang ay nangangahulugang may kahinaan o nanghina, marahil sa kalusugan, sa aspetong psychological o anumang bagay na bumabagabag at humahadlang sa pakikisalo at pakikisalamuha. Ang mga malalang karamdaman ng mga mahihina ay dapat tugunan ng mga malalakas.

Dito rin nila maisasaayos ang anumang gusot o sigalot ng sinumang kaanib.  Sa dulang kahit may nagtatampo ang mahalaga ay makisalo sa anumang pagpapala.  Sa dulang kahit may hinanakit sa kasambahay ang mahalaga ay makisama sa ikasusundo ng buong sambahayan.

Ang Eukaristiya ay isang larawan ng pagsasamasama ng mga mananampalataya sa kabila ng kanilang individual differences, sa kabila ng magkakaibang paninindigan at pagtingin sa isang bagay, sa kabila ng pag-aalilangan sa isa’t-isa, ay magagawang magkaisa ang Iglesia upang isulong ang mga layunin.  Ang sambayanan ay puedeng magkaisa para sa ika-uunlad ng bawat isa, ikalalakas ng bawat isa.  Sa dulang ng Eukaristiya ito’y larawan ng isang bagong lipunan, bagong kaharian na ang mga tao, bilang mga anak ng Diyos ay nagkakasundo at binuklod ng pag-ibig ng Diyos.  Ang dati nating pagkatao na umid ng pagkakahatihati, pagkamakasarili, pagkakampikampi ay binago at patuloy na binabago ng Diyos para sa isang lipunang naglilingkuran para sa buhay na kasiyasiya.

Masasabi nating ang Eukaristiya ay patikim ng kaharian ng Diyos kung madama natin ang kahalagahan ng bawat isa.  Ang narating natin sa kaalaman, mga kasaganaan natin sa mga material na bagay, mga lahi natin, ang mga katanyagan natin ay hindi mga hadlang sa malaya at makabuluhang ugnayan bagkus ang mga ito ay kasangkapan ng Diyos upang ang mga mahihina, ang mga walang kaya sa buhay, ang mga taong hindi pansin ay makikita, at mabibigyang halaga.  Ang iisang uri at lasa ng tinapay, ang iisang uri at lasa ng alak para sa lahat ng nakibahagi ay nagbabadya ng pagtingin ng Diyos sa lahat.  Ang kanyang pagkalinga, ang kanyang pagpansin, ang kanyang pagbibigay halaga, ang kanyang pagmamahal ay walang pagtuturing.

 

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *