Ang Katapatan

Ang Katapatan
Mateo 21:33-46

Ang kaharap at kinakausap ni Jesus ay ang mga Judio at ang kanyang pananalita ay diretsahang nagsasabi tungkol sa hindi nila pagiging tapat na katiwala ng Dios sa kanilang kababayan.  Ang matalas na mga salita ay tumutukoy sa pagmamalabis ng mga pamunuan sa mga panahon na iyon.

Sa talinghaga nabanggit na ang puno ng sangbahayan ay may lupain na ipinagkatiwala sa mga magsasaka.  Ang mga magsasaka ay marahil maghanap-buhay para sa kanyang pamilya, marahil sila ay magtatrabaho para sa karagdagang pera.  Hindi sila ang nagmamay-ari sa lupain sila lamang ay pinagkatiwalaan at nangungupahan. 


Katapatan sa Pagkakatiwala

Sa pagtatrabaho sa bukid may bahagi ang magsasaka at may bahagi rin ang nagmamay-ari ng bukirin.  Dito sa Pilipinas ang sharing ay 30/70, sa katiwala ang 30 at sa Tagapagtiwala ang 70.

Ang Katapatan-The Farmer

Hinog na ang mga pananim at inani at nagpadala ang Panginoon ng lupa ng mga alipin upang kunin ang kanyang bahagi ngunit ang ginawa’y  pinatay.  Nagsugo pa ng higit kay sa nauna ngunit ganun din ang kanilang ginawa.  Hanggang sa pag-asa na ang kanyang anak ay rerespituhin at pinadala ngunit sinabi nila sa kanilang isip, “ito na ang magmamana, halikayo patayin natin at ating kunin ang kanyang mana.”

Noong nabubuhay pa sa katawan ang Panginoon may dalawang bahagi ang kahulugan ng kanyang mga kataga: 

Una, ang mga kaganapan bago hanggang sa siya ay patayin; ang pangalawa, pagkatapos ng siya ay mamatay hanggang sa ating panahon.

Napakalaking prebilihiyo ang hindi pinakinabangan ng mga Judio.  Kung ating maalala, ang mga Israelita, o mga Judio ang hinirang ng Dios na kanyang bayan at dito sa lahing ito nagmula si Jesus. 

Ngunit bago pa siya iluwal dito sa mundo ay hindi pinakinggan ang mga propeta, bagkus hinamak, sinaktan at iba sa kanila ay nangamatay sa kamay ng mga pamunuan.

Ang mga pamunuan dito ay sila ang binanggit na nangungupahan o magsasaka sa bukid na dapat magbigay ng bahagi para sa nagmamay-ari ng bukirin. 

Sa halip na pakinggan nila ang mga alipin na pinadala ng Panginoon ay nagalit sila, nagkaroon ng masamang pita sa kanilang puso at ito’y sinaktan. 

Ang bahagi ng ani na dapat ibigay ng mga nakikigamit sa lupa ay nagsisimbulo ng lahat ng pagkilos at pag-iisip na makatarungan.  Mga bagay na karapatdapat dahil ito ang panukat sa buhay upang maging maayos at makabuluhan ang lahat.  Mga propeta ay alipin na pinagkatiwalaan ng Dios upang sila ang magpaalala ng mga bagay-bagay tungkol sa mga ito.

Pangalawa-mula ng umakyat ang Panginoon sa kanyang pinanggalingan at ito ay panahon ng mga Apostoles. 

Ang tawag dito ay Apostolic Church.  Hanggang sa ating panahon na tinatawag na age of the church or church age ay mistulang hindi nagbabago ang mga kaganapan.  Nauulit ang mga nangyari noong lumang panahon dahil marami ang mga pastor at mga pari na nasusuong sa kamatayan.  Hindi lang iyon kundi pati ang mga layko na may pagpupunyagi sa pagsasabuhay ng pananambpalataya ay nanganganib din.

Sila ang mga alipin na sinusugo ng Dios na nagpapaala ng buhay na may katapatan sa mga magsasaka ngunit mahigpit ang pangangailangan sa pakikinig dahil mistulang ang pinagpapala ng Panginoon sa kanyang ubasan ay gusto pang angkinin ang bahagi na para sa Panginoon.

Ang Iglesia sa Kanyang Katapatan

Sa mas malawak na senaryo, ang Iglesia ang alipin ng Dios na kanyang tuwi-tuwina ay sinusugo upang ipaalala ang pagiging tapat sa mga nakikisawsaw sa bukirin.  Ngunit habang dumarami ang mga mananampalataya ay dumarami din ang mga krimen.  Ano  kaya ang dahilan at saan nag-uumpisa ang kawalan ng pakikinig sa mga tagapagsalita ng Dios?  Hindi kaya dahil sa ang pinagkatiwalaan at alipin ng Dios ay hindi naging tapat sa kanyang tungkulin bilang sugo?

Sa isang partikular na lugar ay marami ang kaso ng pagnanakaw.  Sa aming pagsasamasamasa iba’t-ibang denominasyon at bilang mga Pastor ay aming napag-uusapan ang mga isyu sa ating paligid.  Gaya ng:

a.  Pagnanakaw

b.  Prostitution

Dumarami ang mga tahanan na nagiging sentro/suspicious

k.  Walang mga driver’s license na nagmomotor at walang registration ng motor.

Ito ay ilan sa mga sanhi ng mga aksidente

d.  Mga tistisan/band saw ng kahoy

Ito ay may kaugnayan sa pangangalaga ng kalikasan

Ito ay ilan lamang sa mga isyu at marami pa sa ibang lugar.  Ang tanong di ba dumarami ang mananampalataya?Kung nag-uumpisa sa atin ang katiwalian ay may problema sa ating pagsasabuhay sa ating pananampalataya.  Kuwestionable ang “spirituality natin”.  At ito ay bumabagsak sa katangian ng pagiging TAPAT.


Ang katapatan ba ay bahagi ng pagkilala sa Dios?

Kung ganun, pag namuhay tayo na maging tapat ay nakikilala natin ang kalooban ng Dios.  Masasabi natin na ang pagkilala sa kalooban ng Dios ay pagsasabuhay ng katapatan.

Ang pagiging kristiyano ay isang pagkakataon na tayo ay gamitin ng Dios sa isang matapat na gawain upang mabago natin ang anyo ng mundo. 

Kung ang mga Judio sinayang nila ang pagkakataon at hindi nila nakilala ang kalooban ng Dios noong panahon na nabubhay pa si Jesus,  tayo kaya pagkatapos na namatay si Jesus?

Naniniwala ako na ang pagkakataon  na inabuso, ang pagkakataon na hindi nagamit ay mga pagkakataon na kailanma’y hindi babalik at ito’y kawalan.

Gamitin natin ito sa ating pagiging tapat sa ating trabaho, sa ating pananampalataya, at sa paninindigan.