Ang Kautusan ay Gabay Tungo sa Kabutihan

Sermons

Awit 119:97-104

Nakakita na ba kayo ng isang pamilya na walang kaayusan sa pang-araw-araw na buhay?

Ayon sa isang kuwento, may isang pamilya raw na ubod ng yaman subalit ang dahilan kung bakit sila mayaman ay dahil nakamit nila ito sa masamang kaparaanan. Sa bawat kaanib, ang kanilang pangarap ay ang lalo pang yumaman, at ang batas nila ay ipagtanggol ang kapwa-masama.

Ang Pamilya sa gabay ng Kautusan

 

Dahil minana na ng mga magulang mula sa kanilang ninuno ang pagkamkam ng maraming salapi sa masamang paraan, kung kaya’t gayun din ang kanilang itinuro sa mga anak—ang pagnanakaw, pagsusugal at swindling ay gawang marangal.

Nang magbinata at magdalaga na ang mga ito, mas magaling na sila kaysa sa kanilang mga magulang. Kapag nadadakip ang mga anak, agad namang may pampiyansa ang mga magulang. Gayundin ang mga anak, upang ipagtanggol ang mga magulang, may handa rin silang pampiyansa upang hindi mabilanggo ang kanilang mga magulang.

Sa umpisa, mukhang mailap sa kanila ang tunay na batas, subalit sa bandang huli, dahil na rin sa kanilang pagiging ganid, ay pare-pareho silang nadakip at nabilanggo ng panghabang panahon.

Maaaring hindi pangkaraniwan ang kuwentong nailahad sa atin ngayong umaga, subalit may bahid din naman ito ng katotohanan sa kasalukuyang panahon. Ang nais ipahiwatig ng kuwento ay ang katotohanang ano mang bagay na mabuti na ating tinanim sa ating mga anak ay siya ring aanihin at tataglayin nila hanggang sa kanilang paglaki. At ano mang kasamaang ating inihasik sa kanilang mga isipan ay tiyak na kasamaan din ang kanilang aanihin sa kanilang paglaki at maaring dalhin hanggang sa susunod na salinlahi.

Ang aklat ng Awit ay patungkol sa papuri at pagsamba sa kabutihan at katapatan ng Diyos. Sa kabanata 119 na may 176 na talata, ito’y tumutukoy sa kautusan ng Diyos. Sa panahong nabuo ang mga awit ay wala pang Bibliya. Maaaring ang mga kasulutan ay nakaukit sa bato, nakasulat sa mga pinatuyong dahon ng halaman o pinatuyong balat ng hayop.

Ang paraan noon ng pagtuturo ay sa pamamagitan ng tinatawag na ORAL TRADITION, sa paraang pakikipagkuwentuhan sa mga anak. At ayon sa aklat ng Deuteronomio ay itinatali sa noo at ipinupulupot sa mga kamay ang mga kautusan. Sa panahon ding iyon, walang nagsisilbing sagabal sa mga bata o kabataan upang hindi nila maisapuso o maisaulo ang mga kautusan.

Wala pa namang media, cellphone, naglalakihang malls na puwedeng pasyalan. Hindi tulad ngayon na sa TV at radio, sari-saring bagay ang madaling napupulot ng mga nanonood o nakikinig—karaniwang nagdudulot naman ng pagpapahalaga sa mga bagay na materyal, pansamantala at pawang mababaw. Halimbawa, mga lotion na nagpapaputi ng balat. Bakit? Hindi ba’t sadyang kaloob ng Diyos ang kulay nating kayumanggi? Pagkakaroon ng anak bago ikasal—pinauuso ng mga celebrities. Sa mga drama, naitatanim ang pagiging makasarili. Pagkawalang-galang sa mga nakatatanda. Pambubugbog sa mga babae at mga bata na hindi maipagtanggol ang sarili. At iba pa.

Mabuti sana kung ang bawat channel sa TV o radio, mababasang messages sa cellphones, o makikita sa mga sinehan sa mall ay nakakatulong sa pagpapahubog ng mabuting asal at pananalig sa Diyos. Pero ang nakakalungkot ay kabuktutan ang idinudulot ng mga ito.

Mula sa Awit 119:97-104, nais ibahagi ng mang-aawit ang mga bagay na tinanggap niya sa pagsunod sa mga utos ni Yahweh:

  1. Gabay sa araw-araw –ang mga utos ng Diyos ay nagsilbing gabay niya sa kanyang mga gawain sa maghapon.
  2. Pang-unawa –ang mga utos ni Yahweh ay nagbibigay ng kamulatan at malawak na kaisipan sa mga katotohanan ng buhay, upang hindi mapariwara ang tao o maligawa ng landas
  3. Karunungan –wala nang iba pang mahalagang bagay na maaaring tanggapin ang isang tao kundi ang karunungang mula sa Diyos. Higit pa ito sa katalinuhan ng mga dalubhasa sapagkat ang kautusan ng Diyos ay hindi makasarili, hindi mapagmalaki, kung ang nais ay laging sa ikabubuti ng nakararami.

Mga kapatid, sa buwang ito na ginugunita natin ang pagpapahalaga sa Edukasyong Kristyana, nawa’y maging tulad tayo ng mga sinaunang mananampalataya—na ang laging hangarin ay ang makaniig ang Diyos sa pag-aalaala ng Kanyang mga kautusan. Sana’y tulad din nila na mayroon tayong pananabik upang basahin ang Banal na Kasulatan araw at gabi at sa kanilang paggawa sa loob at labas ng tahanan, sila’y may kasiyahan. Sana’y kahit sa ating edad ngayon ay masaya tayong nagbabasa ng Bibliya at maligaya nating naikukuwento sa mga anak natin ang ukol sa mga bayani ng pananampalataya tulad ni Abraham, Moises, Miriam, Deborah, Samson at Delilah, Ruth at Boaz, Maria at Jose at siyempre, ang ukol kay Hesukristo na ating Panginoon. Nawa’y tuwing may pag-aaral ng Bible Study at Sunday school ay may naiaambag naman tayong mga bagay na nabasa natin mula sa Bibliya. Sa tulong ng Diwang Gabay o Banal na Espiritu, umpisahan po natin ang pag-ibig sa mga utos ni Yahweh upang maging sa ating pakikipag-ugnay sa ating mga kapamilya, mga kapitbahay at buong pamayanan, ang kabutihan ang siyang mananaig sa halip na ang kasamaan. Amen.

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *