Ang Sunamitang Ina

Teksto: 2 Kings  4:8-37

Sa umagang ito, ang kuwentong ating matutunghayan ay halaw sa isang yugto sa buhay ni propeta Eliseo kung saan may natulungan siyang isang babae mula sa Sunem. Ang Shunem ay matatagpuan sa hilagang bahagi ng Israel.

 

Ano ba ang kalagayan ng Sunamita:

  • mayaman
  • bukas ang kalooban at handang magbahagi ng kung anong mayroon siya (hospitable)—ipinagpagawa niya ng silid na tutuluyan para kay Eliseo at ang kanyang katuwang sa ministeryo na si Giezi
  • may pananalig sa Diyos—kinilala niya si Eliseo bilang lingkod ng Diyos
  • may kulang sa buhay niya at ng kanyang asawa—wala pa silang anak at matanda na ang asawa ng Sunamita (4:14-15)

Dahil sa kagandahang loob ng Sunamita, nais ni Propeta Elesiong bigyang gantimpala. Nang sabihin ni Giezi na wala pang anak ang mag-asawang taga-Sunem, ipinatawag ni Eliseo ang babae at kanyang ipinahayag bilang isang propeta na, “Isang taon mula ngayon, ikaw ay magkakaanak.” Batid ng propeta na sa kaibuturan ng puso ng Sunamita, matagal na niyang ninanais na magkaanak. Kung kaya’t tinulungan niya itong umasa ito sa Diyos sa kabila ng kanyang kalalagayan.

Ayon sa talata 17, dumating ang araw na naglihi ang Sunamita. Siya ay nagkaanak, tulad ng sinabi ng propeta Eliseo. Lumaki ang bata. Isang araw, sumunod ito sa kanyang ama sa anihan. Habang naroon, sumakit ang ulo ng bata at sa sobrang tindi, ito’y iniuwi sa kanyang ina. Subalit mismo sa kandungan ng kanyang ina, ang bata ay namatay.

Napakahirap ng sitwasyon ng ina! Hindi ba’t ang batang ito ay kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng tulong o hula ng isang propeta ng Diyos? Bakit naman madali itong kinuha ng Panginoon mula sa isang ina na lubhang umasa? Para bang pinaasa lang siya at ng kanyang asawa niya subalit sa isang iglap, ito’y binawi rin!

Magkagayon man, hindi tumigil doon ang pag-asa ng Sunamita. Alam niyang pinagkaloob ang bata para sa kanilang mag-asawa kung kaya’t walang ibang maaaring hilingan ng tulong kundi mula sa lingkod ng Diyos na siya ring tumulong  upang maipagkaloob ito.

Pumunta ang mag-asawa ng Sunem sa Bundok ng Carmelo kung saan nananatili si Eliseo at ang kanyang katuwang na si Giezi (4:22). Malayo pa lamang sila, nakita na sila ni Eliseo. Ang Sunamita ay yumakap sa paanan ng propeta at naramdaman ni Eliseo na matindi ang problemang kinakaharap ng babae.

Tunay nga na “actions speak louder than words.” Para sa isang ian na naghihinagpis dahil sa kalungkutan at pagkalito, wala siyang nagawa kundi yumakap sa paanan ng propeta. At kanyang winika, “Ako ba’y nanghingi sa inyo ng anak? Hindi ba’t sinabi kong huwag ninyo akong paaasahin?”

Ito’y mga salita ng pagkalito (hindi pag-aalinlangan). Alam ni Eliseo na may pananalig ang Sunamita sa Diyos subalit hindi nito maintindihan kung bakit namatay ang batang ipinagkaloob sa kanila.

Pinapunta ni Eliseo si Giezi upang ipatong ang tungkod sa mukha ng patay na bata (4:29). (Ang tungkod o “staff” ng isang propeta ay nagsisimbolo ng kapangyarihan ng Diyos, katulad ng tungkod ni Moises na siyang ginamit upang mahati ang tubig sa Dagat na Pula).

Ipinakita ng Sunamita ang kanyang buong pagtitiwala kay Yahweh nang sabihin niyang, “Hanggang buhay kayo (na ang tinutukoy ay ang mga lingkod ng Diyos), hindi ako lalayo sa inyo.” Kumapit ang babaing ito at hindi lumayo kay Yahweh hangga’t hindi nabibigyang lunas ang kanyang problema.

Nang dahil hindi bumisa ang tungkod ni Giezi upang buhayin ang bata, ibig sabihin ay may ibang pamamaraan upang muling buhayin ni Yahweh ang bata. Kung kaya’t dinapaan ni Eliseo ang bata, tinapat ang kanyang bibig sa bibig at mga mata nito, sabay nagpabalik-balik sa loob ng silid, tanda ng kanyang taimtin na pananalangin. At sa wakas, muling nagkaroon ng hininga ang anak ng Sunamita. Bilang pasasalamat, nagpatirapa ang babae sa harapan ni Eliseo.

Bigyan natin ng pansin ang mga katangian ni Eliseo bilang lingkod ng Diyos:

  • Siya’y pinamanahan ng isa ring propeta ng Diyos, si Elias na kanyang mentor o guro, ng kapangyarihan upang tuparin ang atas ng Panginoon. At tinupad ito ni Eliseo nang may katapatan. Sa isang lipunan, mas tiningnan niya ang tunay na pangangailangan ng mga tao at hindi niya sinamantala ang kanilang kabaitan. Sa isa ring pamayanan na ang babaing walang anak ay hindi normal o hindi kinikilala, para kay Eliseo, higit niya itong pinagtuunan upang matulungan.

Sa panahon ngayon na maraming nagnanais na makatulong sa kapwa, sa larangan man ng pananampalataya o politika, sana’y mas tuunan ng mga nais maglingkod ang tunay na pangangailangan ng tao, hindi yung para sa panandalian lamang na lunas. Sa totoo lamang, maski ang mga lingkod ng simbahan ay natutukso sa ganitong uri ng panglunas—para matapos na ang problema, halimbawa, sa mga may sakit o mga namatayan, nagkakaroon na lamang ng special offering at pagkatapos maiabot ito ay tapos na. Subalit hindi lamang po sa simpleng pagkakaloob lamang ng pinansyal na tulong tayo makatutugon sa kalagayan ng ating mga kapatid kundi sa patuloy na pakikipagkumustahan, pakikipanayam, o walang sawang pakikipagkapatiran sa kanila upang lalong madama nila ang ating wagas na malasakit. Sa ganitong kaparaanan, walang kapantay na paghilom, kaaliwan at kalakasan mula sa Diyos ang kanilang matatamasa.

Ano naman ang kahanga-hangang katangian ng Sunamita?

  • Ang Sunamita ay larawan ng isang babaing mapanlikha (creative woman). Bilang pasasalamat at pagkilala sa Diyos, siya’y nagpagawa ng silid para sa propeta ng Diyos. Bilang isang may-bahay, hindi niya lamang inilaan ang kanyang malasakit sa sarili niyang pamilya, kundi itinuring niya ring kapamilya ang isang lingkod ng Diyos. Ganyan po ang kalikasan ng mga ina—ang pagturing sa ibang tao na kasambahay rin at malaya nilang naipapaabot ang kanilang pangangalaga maging sa hindi nila sariling pamilya.

Isang ina na handang ialay ang kaniyang buhay alang-alang sa kaloob na anak—ang Sunem at Bundok Carmel na nilakbay ng mag-asawa upang puntahan si Eliseo ay may 30 kilometro ang layo. Sa kuwentong ito, makikita nating ginawa ng Sunamita ang lahat ng paraan upang mapagaling lamang ang kanilang anak. Bakit? Hindi lamang pinatutunayan dito ang wagas na pag-ibig ng isang ina sa kanyang anak, kundi ang malalim na pananalig ng ina sa Diyos. Alam niyang may magagawa ang Diyos sa kabila ng kamatayan.

Opo, sa kuwentong ito, pinatunayang may pag-asa pa sa kabila ng kamatayan. Sa kabila ng nakakalitong kalalagayan, batid ng inang ito na may pag-asa pa kahit mismo siya ay ayaw na sanang umasa pa; subalit, sa kanyang mahigpit na pagkapit at pagtitiwala kay Yahweh, muling nabuhay ang kanyang anak.

Sa panahong kasalukuyan, nagpapasalamat tayo sa Diyos para sa mga lalaki at babae na nagpapatunay ng kapangyarihan ng Diyos sa kabila ng kalunus-lunos na sitwasyon. Sa pamamagitan ng kanilang buhay, nagiging totoo ang ganap at kasiya-siyang buhay na pangako ng Panginoong Hesus.

At hindi natin matutumbasan ang mga dakilang ina na silang pinagmulan ng ating buhay! Sila ang laging gumagawa ng lahat ng kaparaanan upang mailigtas at hindi mapahamak, na kahit nakataya ang kanilang buhay, ang buhay naman ng kanilang kasambahay ay mabigyang ginhawa at lunas, kung hindi man kasiyahan.

Maraming salamat sa Diyos para sa mga ina na silang daluyan upang ang buhay ay maging kumpleto o buo, at maging kaaya-aya para sa lahat. Kayo ang kinakasangkapan ng Panginoon upang magkaroon ng patuloy na ngiti sa bawat labi sa loob ng tahanan. Pagpalain nawa kayong lahat, mga ina, sa inyong pagpapagal, pagsasakripisyo, sa inhong walang sawang pag-aaruga, hindi lamang sa inyong sariling pamilya, kundi sa buong pamayanan ng Diyos! Gantimpalaan nawa kayo ng Diyos na tapat at mapagbiyaya, hindi lamang sa araw na ito kundi sa tuwi-tuwina! Maligayang araw ng mga Ina!