April 22, 2018-Kaayusan ng Pagsamba

KAAYUSAN NG PAGSAMBA
April 22, 2018
4th  Sunday of Easter and Earth Day

=========================
PAGBUBULAY

Our Christian faith calls us toward reverence for all creation. God teaches us much about great compassion and great love for all life. Scripture tells us time and again to care deeply for the oppressed, to love each other, and to proclaim and to work for justice. In faith we are committed to the transformation of the world. We are committed to transforming our relationship with the planet and with each other, again and again until the whole Earth community lives in life-giving, sustainable harmony.”      (Kairos Canada)

 

PROSESYONAL

        Ang Pagsisindi ng Kandila at Pagbubukas ng Biblia

        Ang Pagpasok ng Patnugot at Tagapamahayag/Pastor

 

TAWAG SA PAGSAMBA (Hango mula sa Awit 95:1-7)

Patnugot: Tayo ay lumapit sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan, Ating papurihan ang batong kublihan nati’t kalakasan.

Kapulungan:  Tayo ay lumapit, sa kanyang harapan ay magpasalamat. Siya ay purihin ng mga awiting may tuwa at galak. Nasa kanyang palad ang buong daigdig, pati kalaliman; ang lahat ay kanya maging ang mataas nating kabundukan. Kanya rin ang dagat at pati ang lupa na kanyang nilalang.

Patnugot:  Tayo ay lumapit, sa kanya’y sumamba at magbigay-galang. Lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati’y lumalang. Siya ang ating Diyos, Tayo ay kalinga niyang mga hirang; mga tupa tayong inaalagaan.

Lahat:  Purihin at luwalhatiin ang Dios ng daigdigan, Amen.

IMNO NG PAGPUPURI                 “Kadakilaan Mo”                  AIK #315              

Kadakilaan mo O Dios sinasaysay ng bawa’t tanawing aking namamasdan.
Kapangyarihan mo sa puso nakintal, kaya’t magpupuri habang buhay.

Sa hangin at bundok sa tubig at lupa, sa dagat at batis sa bawa’t nilikha.
Kapangyarihan Mo doo’y nababadha, kaya’t kagalakan ang magpuring kusa.

O Dios dakila ka! Dakila kailan man! Puso’y sumisigaw di ko mapigilan.
Kaligayahan ko ang aking isaysay, kal’walhatian mo na di mapaparam, Amen.


PANALANGIN NG PAGDIRIWANG (Sabay-sabay ang lahat)

O Dios na dakila,  ipinagdiriwang namin ang Iyong kabutihan sa paglikha at pagpapanatili ng buhay. Dalangin namin bilang Iyong  katiwala ay maging bahagi kami sa paglikha at maging instrumento sa pagpapanatili ng kagandahan, kalinisan at kabanalan ng  buong sangkalupaan. Kung kaya’t linisin mo ang aming diwa, kaisipan at damdamin sa pagpapatuloy  ng aming pagsamba. Upang hangarin namin ang Iyong kalooban at layunin na pahalagahan at ipagtanggol ang kabanalan ng buhay. Bigyan Mo ng kahulugan ang aming pagsasama-sama na magdadala sa amin na italaga ang aming talino, kakayahan at panahon sa pangangalaga ng aming kapaligiran. Ipahayag ang makatarungang pagkunsumo at paggamit ng mga bagay na nasa aming paligid. Gawin mong dambana ng pagkalinga at daluyan ng katwiran  ang bawat tahanan na sa Iyo ngayon ay sumasamba, sa pangalan ni Cristong buhay, Amen.


TAWAG SA PAGSISISI                                                                 Patnugot

Ibinigay ng Dios sa atin ang pamamahala at pag-iingat sa kanyang sangnilikha. Ang daigdigan at ang lahat na narito ay sa Dios at tayo ay kanyang katiwala. Minsan matapat tayong tumatalima ngunit kadalasan tayo ay nakalilimot gawin ang makat’wiran at nararapat na pangangalaga sa sangnilikha. Nakakalimutan natin ang ating pananagutan kung kaya’t minsan at kadalasan tayo ay nag-aambag rin sa pagkawasak ng daigdig. Halina, lumapit tayo sa Diyos at humingi ng kapatawaran sa nagawa nating pagkukulang, pang-aabuso at kawalang respeto sa kanyang mga nilalang. 

ANG PAGSUSURI SA SARILI AT PANALANGIN NG PAGSISISI                                               

KATIYAKAN NG KAPATAWARAN                                                                   Pastor

Narinig ng Diyos ang inyong matapat na pagsisisi at paghingi ng kahabagan upang patawarin. Sa diwang ito, tanggapin ninyo ang kapatawaran ng Diyos at mamuhay ayon sa nararapat bilang katiwala at lingkod ng Niya. Sumainyo ang kapatawaran at kapayapaan sa pangalan ni  Kristo na may kapangyarihan sa lahat ng nilikha, Amen.


MGA MALASAKIT NG IGLESYA 

Awit ng Pagbati       “O Mabuhay Ka at Pagpalain”    MASP 168, 2nd Stanza           

Dalangin namin ay pagpalain, ang mga araw mo pang darating,
Maging malayo sa hirap at lagim, laging payapa ang buhay mong angkin.

Lumawig nawa ang iyong buhay, sa Dios Ama ay iyong ialay.
Naglilingkod ng tapat at tunay, nang buhay mo ay laging magtagumpay.


PANALANGIN NG PAMAYANAN
(Ang panalangin ay patungkol sa pananagutan ng bawat institusyon sa pangangalaga, pamamahala at pag-iingat ng sangnilkha )

  • Ang Iglesya, Ang  Pamayanan, Ang  Pamilya 


Tugong Awit                   “Diwang Gabay                       HBP #33            

Diwa, O diwang banayad. Sa parang ay malayang tumawag.
Diwang walang kapaguran, kami ay pukawin, ‘Yong pakilusin.

Awit  na panatag animo’y sigaw, at sa katahimikan tinig Mo’y gumimbal.
At sa pamayanan muli kang nagbilin sa bugso ng hangin, baya’y hirangin.
(Ulitin ang unang stropa).

 

ANG BANAL NA KASULATAN MULA SA LUMANG TIPAN              Awit 23

GLORIA PATRI

Ang Ama’y papurihan, at ng Anak at ng Espiritu.
Buhat pa sa unang ula, ngayo’t magpakailan man.
Walang hangaan, Amen, Amen

ANG BANAL NA KASULATAN MULA SA BAGONG TIPAN              Gawa 4:5-12  

MENSAHE SA AWIT

MENSAHE SA SALITA

TAWAG SA PAGHAHANDOG            

Patnugot: Anomang mayroon tayo ay sa Dios nagbuhat. Tinanggap natin ang mga biyaya ng kakayanan, katalinuhan at kasanayan upang maging kasangkapan sa pamamahala at pag-iingat ng kanyang sangnilikha. Marapat lang na sa panahon ng ating pagsamba ay ialay natin ang bunga ng ating katapatan, kasipagan at kapaguran sa Diyos na kadluan ng ating katatagan at kalakasan. Halina, handugan at pasalamatan natin ang Diyos na buhay.

ANG PAGHAHANDOG

Doxologia                

Purihin ang Dios ng awa, Kristo’t Diwang mapagpala
Magpuri ang buong madla, Sa Dios ng langit at lupa. Amen

PANALANGIN NG PAGHAHANDOG: 

BOD – Iniaalay namin ang mga salapi, nawa’y magamit ito sa pagtulong sa mga nangangailangan, sa pagmumulat ng pagiging tapat na katiwala at sa pagsasagawa ng iyong ministeryo.

BOE – Iniaalay namin ang halaman. Bilang simbolo ng aming pangangalaga sa ugnayan ng isa’t-isa at sa pagtataguyod ng iyong sangnilikha bilang tagapanguna sa pagsasagawa ng Iyong misyon.

BOCE – Iniaalay namin ang Sunday School materials/ Bibliya, simbolo ng pangangalaga ng kamalayan at kasanayan ng kapatiran para sa pagtatanggol ng buhay at pagpapanatili ng kaayusan ng buong sangnilikha.

Lahat: Paging dapatin Mo O Dios, ang mga alay na ito, simbolo ng paglilingkod ng iyong iglesya bilang mabuting katiwala, Amen

IMNO NG PAGTATALAGA       “Ang Taglay Mong Kalakasan”       AIK #52

Ang taglay mong kalakasan kay Cristo mo ialay.
Maghanda ka at maglaan tunay ang ipaglaban.
Si Cristo ay gawing huwaran walang takot na sundan,
Ilagak mo ang ‘yong buhay buong pusong ialay.

Koro:
Ang taglay mong kalakasan kay Cristo mo ilaan.
Ang sandata ay hawakan Maghanda sa paglaban.

Ang lakas mo ay gamitin kay Cristo mo ihain,
Sa buhay mo’y pangunahin handog mong buong giliw.
Magkaloob ka at tatanggap pagpapala ng Anak
Kung susundin ang pahayag buhay mo ay uunlad.

Ang taglay mong kalakasan kay Cristo mo ilaan,
Buhay Niya ay naalay dahil sa ‘ti’y namatay.
Pag-ibig ng Dios ang nagudyok dahil dito’y nanaog
Dapat ngayon tayo’y maglingkod buhay nati’y ihandog. 

PANALANGIN NG PAGTATALAGA AT BASBAS

TATLONG AMEN

RESESYONAL AT PAGHAYO SA PAGLILINGKOD SA PAMAYANAN