Kami at ang Panginoong Jesus

Mateo 17:1-13

Tatlo kami na sumama sa kanya sa isang bundok.  Hindi kami ang mga paborito ng guro, ngunit nagkakaroon kami ng panahon upang matuto sa aming guro. Una sa harden ng Getsemane at ngayon dito sa bundok ng Tabor .  Isang pagkakataong makapiling siya sa isang lugar.  Isang magandang lugar hindi lamang sa ito ay matahimik, kundi pansamantalang malayo sa ingay at kaabalahan sa buhay.  May panahong kami na manalangin, magpahinga at damhin ang lagaslas ng hangin sa mga damo at punong kahoy. 

Hindi namin inaasahan na makakita ng kakaibang pangyayari.  Hindi kami tulog noon, gising na gising kami.  Bigla na lang nagbagong anyo ang aming guro at ang mukha niya’y animo’y sinag ng araw.  Maging ang kanyang damit ay lumiwanag din.  Sa ilang saglit, para bagang kami’y bumalik sa ilang daang taon ng nakaraan dahil ang pangyayari na sumariwa sa kasaysayan ng Isarael.  Nakita namin si Moises at Elias, parehong matagal na patay.  Ang aming nabasa sa libro tungkol sa kanila ay nagkaroon ng laman. Nagsasalita, nakikiusap sila sa Panginoon.  Naalala namin na si Moises ang taong sinugo ng Dios na gumabay sa mga Israelita mula Egipto papunta sa lupang ipinangako.  Sa kanya sumilay ang kaningningan ng Dios paglabas niya sa bundok Sinai. Si Elias naman ang lumaban sa mga bulaang dios na sinasamba ng mga hari tulad ni Ahab.  Sa panalangin pinatigil niya ang ulan ng matagal na panahonn hanggat sa muli niyang panalangin ay pumatak.  Pareho silang propeta na nagpamalas ng kapangyarihan ng Dios upang ipakilala at ipamalas ang plano pagliligtas ng Dios sa kanyang bayan, ang Israel mula sa mapang-aping kalagayan, at sa maling pananampalataya sa mga naunang panahon.

Hindi naming lubos naintindihan kung bakit sila ang nakasama ng Panginoon, ngunit at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi. “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ang inyong pakinggan”.  Teka, naulit yata ang salitang narinig ni Juan Bautista noong siya’y mabautismohan niya. Mukhang may pinatitibay dito. Nagulantang man kami at nanginginig sa aming nasaksihan ay nagdulot naman ng bagong pagkaunawa at pagtingin sa aming Panginoon.  Lalong napagtibay ang aming pananalig na siya ang Tagapagligtas, makabagong tagapagligtas sa makabagong panahon.

Dahil sa kakaibang damdamin na nagdulot ng kagalakan sa amin, nagmungkahi ako sa Panginoon na igagawa ko sila nila Moses at Elias ng kubol at doon kami mamamalagi.  Sa bilis ng aking pag-iisip nangibabaw ang pansarili kong kapakanan kay sa makita ang mga plano ng Panginoon na kanyang isasagawa para sa mga tao.  Di ko alam kung masama ang damdamin ni Santaigo at Juan sa akin.  Kasi naman, masyado silang matipid sa pagsasalita, ngunit alam ko rin na marami silang gustong sabihin.

Magkagayon man, sa aming karanasan maliban sa napalalim naming ugnayan sa Panginoon ay may gusto kaming iwan sainyo na tagapagbasa ngayon. 

Una, ang paglitaw ni Moises at Elias ay pagpapakilala kay Jesus. Natapos na ang kanilang panahon at may ginampanan sila sa yugto ng kasaysayan sa plano ng Dios sa kanyang bayan.  Kung ang Dios ay kumilos noong panahong iyon, siya ay nagpapatuloy sa pamamagitan ni Jesus.  Kung kay Moises at Elias nakita ang kaningningan ng Dios na simbolo ng pagiging sugo o hinirang para sa gawain ang pagbabagong anyo ni Jesus ay taglay ang kaningningan ng Dios.  Ito’y hindi kayang gawin ng tao sa kanyang sarili upang maipamalas ang kapangyarihan.  Tanging ang Dios ang nakahihigit sa araw upang buksan ang matang puno ng kadiliman.

Pangalawa, sa aming nasaksihan ay nangasubsob kami.  Hindi dahil sa sinadya namin upang sumamba sa Dios, kundi dahil sa aming takot na nakakita ng kakaiba at kamanghamangha.  Unang pagkakataon na nangyari sa amin iyon.  Para bagang may nagtulak sa amin na hindi naming namamalayan na natumba na pala kami.  Ngunit huwag kayong magduda sa amin, hindi kami kagaya ng nagtutumbatumbahan na itinutulak ng mga pastor sa kanilang public healing ministry.  Mula ng nagkasala ang tao at lumayo sa Dios, sa panahon na makikiusap ang Dios at ipakilala ang kanyang sarili sa kanila ay lubhang napapasubasob ang tao sa takot.  Ngunit may takot man ang tao ay hindi tuluyang namamatay dahil sa salita na kanyang maririnig ay babangon siya at pagmasdan ang kaluningningan ng kanyang sinasamba.  

Oo, makapangyarihan man ang Dios ngunit hindi dapat katakutan dahil ang lahat nang nakakikilala sa kanya ay hindi takot ang pumupuno sa kanilang puso kundi paghanga sa kanya.  Isang paghangang wawasak sa lagim na dulot ng kadiliman upang magpasakop sa liwanag na magdadala sa kanila ng pagasa na makapiling muli ang Dios.

Pangatlo, isang katanugan ang sumipot sa aming isipan.  Bakit kailangang sa bundok pa nangyari yon?  Marami ng beses nangyari ito, hindi lang sa aming karanasan.  Ayon sa kuwento ng aming mga ninuno naranasan din ng mga kanunununuhan natin ang pagsasalita ng ating Dios sa bundok.  Si Abraham, Isaac, si Jacob, si Moises, at ang mga taong-bayan ng Dios na nakasaksi sa mga ito.  Dalawa ang pamamaraan ng Dios upang abutin ang tao.  Una, nagpakababa siya para maabut ang lahat, hindi lang ang mga nasa palasyo, mga mayayaman, at mga magagaling, kundi sa mga walang pinagaralan, mga dukha, mga mahiyain at walang ipinagmamalaki sa buhay.  Pangalawa, ang Dios ay nagpapakilala sa matatayog na lugar.  Ito ay hindi para magpakalayolayo at hindi makita kundi para magkaroon ng pagkakataon ang bawat isa na Siya’y mamasdan.  Sa bundok na malapit sa ulap ay walang makahahadlang sa gusto niyang ipamalas.  Kahit sinong pinakapandak na tao ay makikita.  Ang matatayog na gusali ay hindi nakasasagka dahil mas mataas ang bundok.  Alalahanin ninyo, ang bonseng ahas ay itinaas para makita ng lahat ng mga may sugat at magkaroon ng kagalingan.  Si Jesus din ay nasa mataas na lugar upang tingalain ng lahat para sa kanilang kaligtasan.  Mula sa kalangitan hanggang sa kabababaan ay inaabut ng Dios upang igawad ang lahat ng pagkakataon sa buong sangnilikha.  Mga kapatid hanggang dito na po maraming salamat sa inyong pakikinig sa aming mga kuwento. 

Bilang pangwakas, sana hindi ninyo makalimutan ang aming karanasan kasama ang Panginoong Jesus.   Siya ay ipinakilala na bago mangyari ang lahat na hahantong sa kanyang kamatayan ay malaman natin na ang kaligtasan ay inisip ng Dios mula pasimula at si Jesus ang kaganapan ng lahat.  Sa nakagugulantang na kapangyarihan ng Dios ay walang nakahihigit sa kanya, nakatatakot, ngunit pagnagsalita Siya ay mapapahanga ka kailangan lamang pakinggan para maintindihan.  Eka nga nila, “stop, look and listen”para hindi ka mapahamak.  At sa lugar at saglit ng katahimikan ay nakakatagpo ng Dios ang naghahanap sa kanya.  Hindi niya kailangan ang ingay ng malakas na tugtugin, o kaya paputok na nakabibingi, Siya ay nauulinigan sa mga lagaslas ng tubig, sa dampi ng hangin.  Higit sa lahat, sa mga matang handang kumilala, at sa mga pusong handang yumakap sa Kanya.

Ako si Pedro, Santiago at si Juan, pagpalain nawa kayo ng Diyos.