Lay Formation Program Syllabus-Church Doctrines

Diagnostic Activity (Ipaliwanag sa pamamagitan ng hindi hihigit sa 10 salita):

  1. Ang Dios ay nahahayag sa tatlong Persona.
  2. Si Hesukristo ay kapahayagan ng Dios na nagkatawang-tao.
  3. Sa Banal na Hapunan, maaaring makisalo pati ang mga bata.
  4. Sa bawtismo ng bata, ito’y kapahayagan ng pagtanggap sa kaniya sa pamayanan ng pananampalataya.
  5. Ang tao ay naligtas sa kasalanan dahil sa kagandahang loob ng Dios sa pamamagitan ng kanyang pananalig.
  6. Ang paghahari ng Diyos ay mararanasan kung saan pinapakain ang mga nagugutom, binibigyang liwanag ang nasa kadiliman at pinalalaya ang mga bilanggo at sinisiil.

 

Part 1 – Doktrina, Iba’t Ibang Kredo, Bawtismo, Banal na Hapunan

1. Mga Kahulugan

Doktrina – mula sa salitang Latin: doctrina, ito’y tumutukoy sa mga simulain o itinuturong prinsipyo, teoriya o paniniwala. Maaari  itong may kaugnayan sa katuruan ng Iglesya na siyang pinanghahawakan o pinaninindigan upang hindi magkaroon ng pagkalito sa kaisipan ng kaaniban, kung ano ba ang dapat na paniwalaan.

Dogma-Mula sa wikang Griyego na dokein na mga katotohanang itinakda sa pamamagitan ng hindi magkakamaling kapangyarihan ng Simbahan sa pagtuturo na ipinahayag ng Diyos, at sa gayon ay kailangang tanggapin ng lahat ng mananampalataya bilang aral ng pananampalataya.

Creed (kredo)

  • any system of principles or beliefs
  • the written body of teachings of a religious group that are generally accepted by that group
  • A definite summary of what is believed; esp., a summary of the articles of Christian faith; a confession of faith for public use; esp., one which is brief and comprehensive.
  • Paniniwala, pananampalataya
  • Statements of faith o mga pangungusap ng pananampalataya

2. Saan matatagpuan ang doktrina ng United Church of Christ in the Philippines

Declaration of Principles (Article II of the Amended UCCP Constitution)

Section 4. The doctrines and beliefs of the United Church of Christ in the Philippines are based on the Word of God as revealed in the Holy Scriptures and articulated in the historic Christian creeds, expressed in the diverse heritage of faith and practice brought into the union by its uniting Churches, and embodied in its Statement of Faith.

Samakatwid, ang mga doktrina ng UCCP ay

  • Nakabatay sa salita ng Dios na nahahayag sa Bibliya at ipinapahayag sa pamamagitan ng mga Credo ng Iglesya (Apostles’ Creed at Nicene Creed)
  • Isinasabuhay sa pamamagitan ng iba’t ibang pananampalataya at tradisyong minana
  • Pinag-ugnay at binuo sa pamamagitan ng Kapahayagan ng Pananampalataya o UCCP Statement of Faith

3. Mga Kredo

Bakit nagkaroon ng mga kredo sa Iglesya? Bakit ito binuo ng mga pinuno ng pananampalataya sa Iglesya? Masasabing ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng mga kredo ay ang pag-iral ng hidwaan o pagtatalo hinggil sa kung ano ang dapat paniwalaan sa usapin ng Dios at katangian ng Dios.


Ang kaisipan mula kay Arius
.

Lay Formation Program-Church Doctrines-Arius

Si Arius, ay isang presbyter ng Alexandria noong 318 A.D.  Ang kanyang pananaw sa relasyon ng Dios Ama at ang Anak na si Kristo.  Sa kanya, si Kristo ay likas na mas mataas sa pagiging tao ngunit hindi kapantay ng Dios, may pinagmulan at hindi mag-pasawalang hanggan ang buhay (Christ had a beginning, and was not eternal in existence).

Kontra sa kaisipang ito, may isang taga Alexandria din na nagngangalang Athanasius, siya’y isang deacono lamang at nanindigan na may pagkakaisa ang Ama at Anak, na si Kristo ay Dios at siya’y walang hanggan.  Ang bangayan ay kumalat sa buong Iglesia at di nakayanang isaayos ng emperador Constantino kaya tumawag ng pulong ng mga Obispo sa Nicea sa Bithynia noong 325A.D.   Nabigyan ng pagkakataon si Athanasius na manindigan at nakumbinsi niya ang karamihan sa konsilyo upang tutulan ang katuruan ni Arius.  Dito nabuo ang isang credo (Nicene Creed).

Si Arius ay malakas sa politika at ang kanyang kaisipan ay tinangkilik ng marami sa “upper class,” isa sa kanila ang anak ni Constantino.

Limang beses na itinapon (exiled) si Athanasius at maraming beses din pinatawag.  Siya’y namatay noong 373 A.D.  Ang kanyang pananaw ay naging batayan ng Iglesia, parehong east at west.  Ang pananaw niya ay nasulat sa Athanasian Creed ngunit sa ngayon di-pinaniniwalaang sinulat mismo ito ni Athanasius.

a. Nicene Creed

I believe in one God, the Father Almighty, Maker of heaven and earth, and of all things visible and invisible.

And in one Lord Jesus Christ, the only-begotten Son of God, begotten of the Father before all the worlds; God of God, Light of Light, very God of very God; begotten, not made, being of one substance with the Father, by whom all things were made.

Who, for us men for our salvation, came down from heaven, and was incarnate by the Holy Spirit of the virgin Mary, and was made man; and was crucified also for us under Pontius Pilate; He suffered and was buried; and third day He rose again, according to the Scriptures; and ascended into heaven, and sits on the right hand of the Father; and He shall come again, with glory, to judge the quick and the dead; whose kingdom shall have no end.

And I believe in the Holy Ghost, the Lord and Giver of Life; who proceeds from the Father [and the Son]; who with the Father and the Son together is worshipped and glorified; who spoke by the prophets.

And I believe in the one holy catholic and apostolic Church. I acknowledge one baptism for the remission of sins; and I look for the resurrection of the dead, and the life of the world to come. Amen.

b. Apostles’ Creed

            Tinawag ito na Symbols or Creeds of the Apostles, ito’y unang nailathala noong 390 A.D. at maaring si St. Ambrose (Arsobispo ng Milan) ang siyang nagbuo nito. Isang kredo na tanggap ng mga Arian (o tagasunod ni Arius) dahil ito’y madaling maunawaan.  Nakapaloob dito ang pananampalataya hinggil sa Dios Ama na makapangyarihan sa lahat, kay Jesu-Cristo na bugtong na Anak, at ang Espiritu Santo. Gayon din ang pagkakaisa ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng Iglesya, ang kapatawaran sa kasalanan, at ang buhay na walang hanggan. Ang nasabing kredo ay mas pinalaganap noong ika-5 siglo sa bansang Roma.

I believe in God the Father almighty, maker of heaven and earth;  And in Jesus Christ, His only begotten Son, our Lord, who was conceived of the Virgin Mary, suffered under Pontius Pilate, was crtucified, dead and buried; He descended into hell; the third day He rose again from the dead; He ascended into heaven, and sitteth at the right hand of God the Father Almighty; from thence He shall come to judge the quick and the dead.

I believe in the Holy Spirit, the holy Christian Church, the communion of saints, the forgiveness of sins, the resurrection of the body, and the life everlasting.  Amen.

Sumasampalataya

Sumasampalataya ako sa Dios, Amang makapangyarihan sa lahat; lumalang ng langit at lupa, at kay Jesu-Cristo na Anak ng bugtong Niya, Panginoon natin; na sa hiwaga ng Espiritu Santo, ipinanganak ng Virgen Maria; nagdamdam ng hirap sa kahatulan ni Poncio Pilato; ipinako sa Cruz; namatay at inilibing; sa ikatlong araw nabuhay sa mga patay; umakyat sa langit at umupo sa kanan ng Dios Amang makapangyarihan sa lahat; doon magmumula at paririto upang humukom sa mga buhay at mga patay.

Sinasampalatayan ko ang Espiritu Santo; ang banal na Iglesyang laganap; ang pagkakaisa ng mga banal; ang kapatawaran sa mga kasalanan; ang kabuhayan ng katawan at ang buhay na walang hanggan. Siya nawa.


c. Athanasian Creed

            “And the Catholic faith is this:  That we worship one God in Trinity, and Trinity in Unity; neither confounding the persons, nor dividing the substance.  For there is one Person of the Father; another person of the Son, and another of the Holy Ghost.  But the God-head of the Father, and of the Son, and of the Holy Ghost, is all one; the glory equal, the Majesty co-eternal. . . So the Father is God: the Son is God: and the Holy Ghost is God.  And yet there are not three Gods: but one God. . . The Father is made of none: neither created, nor begotten.  The Son is of the Father alone: not made, nor created: but begotten.  The Holy Ghost is of the Father and of the Son: neither made, nor created, nor begotten: but proceeding. . . And in this Trinity none is afore, or after another: none is greater, or less than another.  But the whole three persons are co-eternal, and co-equal.  So that in all things, as aforesaid:  the Unity in Trinity, and the Trinity in Unity, is to be worshipped.”

Bagaman at hindi si Athanasius ang nagbuo nito, kundi mga manunulat sa panahon ika-4 hanggang ika-5 siglo, partikular sa Council of Chalcedon (AD 451), ang nasabing kredo ay kapahayagan ng paniniwala hinggil sa Dios at Hesukristo (katulad din lamang ng nakasaad sa Nicene Creed at Apostles’ Creed). Binigyang diin ang katuruan ng patas na pagkilala sa Tatlong Persona na siyang dapat sambahin.


Mga Sakramento na Itinatag ng Panginoong Hesukristo


Ano ang sakramento?

Sacrament—a rite considered to have been established by Christ as a channel for grace: the Roman Catholic and Greek Orthodox sacraments are baptism, the Eucharist, the anointing of the sick, confirmation, holy orders, penance, and matrimony; the Protestant sacraments are (1) Baptism and the (2) Lord’s Supper.


ANG BAWTISMO

Lay Formation Program-Church Doctrines-Jesus' Baptism

Ang bawtismong Kristyano ay nakaugat sa ministeryo ni Hesus ng Nazareth, sa kanyang kamatayan at pagkabuhay na muli. Ito ay isang paglahok kay Kristo, ang Panginoong napako at muling nabuhay. Ito’y isang pagpasok sa isang bagong pakikipagtipan sa pagitan ng Diyos at ng kanyang sambayanan. Ang Bawtismo ay isang kaloob mula sa Diyos at isinasagawa sa pangalan ng Ama, Anak at ng Banal na Espiritu. Itinala ni Mateo na ang nabuhay na Panginoon, nang sinusugo ang Kanyang mga alagad sa sanlibutan ay nag-atas sa kanila na magbawtismo (Mateo 28:18-20). Ang pandaigdigang pagsasagawa ng bawtismo ng Apostolikong Iglesya mula noong una pa ay pinatutunayan sa mga liham sa Bagong Tipan, ang mga Gawa ng mga Apostol, at ang mga sinulat ng mga Ama. Ang mga iglesya ngayon ay nagpapatuloy sa pagsasagawa nito bilang isang ritwal ng pagtatalaga sa Panginoon na nagkakalob ng kanyang biyaya sa kanyang sambayanan.

 

Kahulugan ng Bawtismo

Ang bawtismo ay ang tanda ng bagong buhay sa pamamagitan ni Hesukristo. Pinag-iisa nito ang binawtismuhan kay Kristo at sa mga tao. Ang Bagong Tipan at ang liturhiya ay nagbubukas ng kahulugan ng bawtismo sa iba’t ibang anyo o larawan ng ipinahahayag ng kayamanan ni Kristo at ang mga kaloob ng Kanyang kaligtasan. Ang mga anyo o larawang ito kung minsan ay iniuugnay sa mga simbolikong gamit ng tubig sa Lumang Tipan. Ang Bawtismo ay “pakikilahok sa kamatayan at pagkabuhay na muli ni Kristo (Roma 6:3-5; Colosas 2:12); isang pagbibigay liwanag ni Kristo (Efeso 5:14); isang pagbibihis muli kay Kristo (Galacia 3:27); isang pagpapanibago ng Espiritu (Tito 3:5); ang karanasan ng kaligtasan mula sa baha (I Pedro 3:20-22); isang paglalakbay mula sa pagkaalipin (I Corinto 10:1-2) at ang kalayaan tungo sa bagong katauhan na kung saan ang mga hadlang ng paghahati-hati, maging kasarian o lahi o katatayuang panlipunan ay naiigpawan (Galacia 3:27-28; I Corinto12:13). Ang anyo ay marami ngunit ang katotohanan ay iisa.

 

  1. Pakikilahok sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Kristo

Ang bawtismo ay nangangahulugan ng pakikilahok sa buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesukristo. Si Hesus ay lumusong sa ilog ng Jordan at binawtismuhan sa pakikipagkaisa sa mga makasalanan upang matupad ang lahat ng kabanalan o katuwiran (Mateo 3:15). Ang bawtismong ito ay nagbunsod kay Hesus tungo sa landas ng pagiging Nagdurusang Lingkod (Suffering Servant) na ipinahayag sa kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay (Marcos 10:38-40, 45). Sa bawtismo, ang mga Kristyano’y inilulubog sa mapagpalayang kamatayan ni Kristo kung saan ang kasalanan nila’y inililibing, kung saan ang matandang Adan ay ipinako ni Kristo, at kung saan ang kapangyarihan ng kasalanan ay sinisira. Kay yaong mga binawtismuhan ay di na alipin ng kasalanan, kundi malaya na. Ganap na nakaugnay sa kamatayan ni Kristo, sila’y inililibing kasama Niya at iniaahon dito at ngayon sa isang bagong buhay sa kapangyarihan ng muling pagkabuhay ni Hesukristo, nagtitiwala na sila rin sa katapusan ay magiging isa sa kanya sa muling pagkabuhay ng tulad sa kanya (Roma 6:3-11; Colosas 2:13; 3:1; Efeso 2:5-6).

 

  1. Pagpapanibago, pagpapatawad at paglilinis

Sa bawtismo, kung saan ang bawat Kristyano ay nagiging kabahagi sa ministeryo ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo, nagpapahiwatig ito ng taimtim na pagtanggap sa kasalanan at pagpapanibago ng puso. Ang bawtismong isinagawa ni Juan ay bawtismo ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan (Marcos 1:4). Nakasaad din sa ibang mga talata ang simbolikong implikasyon ng bawtismo bilang paglilinis sa pamamagitan ng dalisay na tubig, isang paglilinis ng puso sa lahat ng kasalanan upang mamuhay sa katuwiran (Hebreo 10:22, I Pedro 3:21, Mga Gawa 22:16; I Corinto 6:11). Kaya, yaong mga nabawtismuhan ay pinatawad, nilinis at pinaging-banal ni Kristo, at binigyang pag-asa na mamuhay sa kabanalan at katuwiran sa ilalim ng paggabay ng Banal na Espiritu.

 

  1. Pagkilala sa Kaloob ng Espiritu at Pagpapaloob sa Katawan ni Kristo

Ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa buhay ng mga tao bago pa at matapos ang kanilang bawtismo. Ito rin ang Espiritu na nagpapahayag kay Hesus bilang Anak (Marcos 1:10-11), nagkaloob ng panibagong lakas (empowered) at nagbigkis sa mga alagad sa Araw ng Pentecoste (Mga Gawa 2). Ang Diyos ay nagkakaloob sa lahat ng nabawtismuhang nilalang ng biyaya ng Banal na Espiritu, nagtatanda sa kanila ng tatak at nagtatanim sa kanilang mga puso ng unang bugso ng kanilang pagmamana bilang mga anak ng Diyos. Ang Banal na Espiritu ay nangangalaga sa buhay ng mga mananampalataya simula sa kanilang pagkilala sa Panginoon hanggang sa kanilang buhay tungo sa kaluwalhatian ng Diyos (2  Corinto 1:21-22; Efeso 1:13-14).

Ang bawtismo ay tanda at tatak ng pagiging isang tagasunod ng Panginoon. Sa pamamagitan ng bawtismo, ang mga Kristiyano ay dinadala sa pakikipag-ugnay at pakikipag-isa kay Kristo, sa isa’t isa, sa iglesya, at  sa buong sangnilikha. Ang iisang bawtismo na nagbubuklod sa atin kay Kristo sa pananampalataya ay iisang bigkis ng pagkakaisa. Tayo ay iisang sambayanan na tinawag upang tanggapin at paglingkuran ang isang Panginoon sa buong sanlibutan.

 

  1. Pagsaksi at Paglilingkod

Ang bawtismo ay kaugnay hindi lamang ng panandaliang karanasan, kundi ng panghabangbuhay na paglago kay Kristo. Yaong mga nabawtismuhan ay tinawag upang magbulay sa kaluwalhatian ng Panginoon habang sila ay binabago ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, na maging tulad Niya, na mayroong palagiang kagandahan (2 Corinto 3:18). Ang buhay ng Kristyano ay marapat na maging isang nagpapatuloy na ugnayan, datapwat isa ring patuloy na karanasan ng biyaya. Sa bagong ugnayang ito, ang nabawtismuhan ay namumuhay para sa kapakanan ni Kristo, ng kanyang iglesya at ng buong sangnilikha (Roma 8:18-24; I Corinto 10:22-28, 49-57).

Habang sila ay lumalago sa buhay-pananampalataya, ang mga binawtismuhan ay nagiging kabahagi sa buhay ng pagsaksi at paglilingkod bilang pagtupad sa misyon ng pagpapalaganap ng Ebanghelyo ni Kristo. Sila’y nagtatalaga ng buhay sa pagsaksi at paglilingkod para sa buong sangnilikha sapagkat kinikilala natin na maliban sa tao, kasama ang ibang nilikha ng Diyos (environment o ecology) sa kanyang pagliligtas mula sa pagkawasak hanggang sa makamit ang ganap na pagpapalaya nito (Roma 8: 19-22).

 

Ang Gawain ng Bawtismo

  • Pagbabawtismo sa mga Mananampalataya at mga Sanggol

Sa daloy ng kasaysayan, ang pagsasagawa ng bawtismo ay nahubog sa iba’t ibang kaanyuan. Ang ibang mga iglesya ay nagbabawtismo ng mga sanggol na dinadala ng mga magulang o ng tagapangalaga na handang dalhin ang mga bata sa pananampalatayang Kristyano ng iglesya. Ang ibang iglesya’y sarilinang isinasagawa ang pagbabawtismo ng mga mananampalataya na personal na nagpapahayag ng kanilang pananalig kay Kristo. Ang ilan sa mga iglesyang ito ay hinihikayat ang mga sanggol o bata na ihaharap at pagpapalain sa isang gawain na kadalasa’y kinapapalooban ng pagpapasalamat para sa kaloob na sanggol at gayundin ng mga pagtatalaga ng ina at ama sa pagiging Kristyanong magulang.

Ang pagbabawtismo sa mga mananampalataya at sa mga sanggol ay kapwa ginaganap sa iglesya bilang pamayanan ng pananampalataya. Kapag ang sinoman na makatutugon para sa kanyang sarili ay nabawtismuhan, ang isang pansariling kapahayagan ng pananampalataya ay isang mahalagang bahagi ng gawain ng pagbabawtismo. Kapag ang sanggol ay binabawtismuhan, naniniwala tayo na ang biyaya ng Banal na Espiritu ang siyang pumapaloob sa buhay ng bata at ng kanyang mga magulang bilang tagapag-akay tungo sa kaganapan ng kanyang pagkilala kay Hesukristo. Inaasahan na sa kanyang pagtanda, siya na mismo ang tutugon upang ipahayag ang kanyang pananampalataya at pagtatalaga ng buhay ng pagkabawtismo.

Ang binawtismuhang tao ay dapat lumago sa pagkaunawa sa pananampalataya. Para sa mga sanggol o mga bata, malaki ang tungkulin ng sambahayan ng mga mananampalataya upang maturuan at gabayan sila sa kanilang buhay.

Paalala:  “Ang bawtismo ay isang di-mauulit na gawa.”  Ano mang gawi na maaaring matawag na “muling pagbabawtismo” ay dapat iwasan.

 

  • Ang Pagdiriwang ng Bawtismo

Ang bawtismo ay isinasagawa nang may tubig “Sa pangalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo” (Mateo 28: 19).

Sa pagdiriwang ng bawtisimo, ang simbolikong paglalarawan sa tubig ay dapat seryosong tingnan at hindi pinabababa. Ang gawa ng paglulubog ay malinaw na maipahahayag ang katotohanan na sa bawtismo, ang Kristyano ay lumalahok sa kamatayan, paglilibing at muling pagkabuhay ni Kristo.

Tulad ng kalagayan sa unang mga siglo, ang kaloob ng Espiritu sa bawtismo ay maaaring magtanda sa mga dagdag na pamamaraan; halimbawa, sa tanda ng pagpapatong ng mga kamay, at sa pagpapahid o “pagtatalaga.”

Ang bawtismo ay karaniwang isinasagawa ng isang lisensyado o ordinadong ministro bagamat sa ilang mga pagkakataon ang iba’y pinahihintulutang magbawtismo (halimbawa sa Church of Christ Disciples).

Yamang ang bawtismo ay malapit na nakaugnay sa kabuuang buhay at pananambahan ng Iglesya, ito ay dapat normal na isagawa sa panahon ng pangkapulungang pananambahan, upang ang mga kaanib ng kapulungan ay mapaalalahanan ng kanila mismong pagbabawtismo at tanggapin sa kapatiran yaong mga binawtismuhan at kanilang pinagtalagahang pangangalagaan sa pananampalatayang Kristyano.

 

Pamamaraan ng Bawtismo (Modes of Baptism)

1. Buhos (pouring) – isinasagawa sa pagbinyag o pagbawtismo ng isang sanggol o bata

2. Lubog (immersion) – isinasagawa sa isang kabataan o nakatatanda

Naniniwala ang sambahayang Kristyano na hindi makapagliligtas ang bawtismo sa ano mang kasalanan. Maski ang pamamaraan (mode) ng bawtismo ay hindi katiyakan ng kaligtasan. Kundi dahil sa kagandahang loob o biyaya ng Diyos ay naligtas ang tao sa pamamagitan ng pananalig kay Kristo (Efeso 2: 8-9). Magkagayon man, kinikilala ng ating Iglesya ang dalawang uri o pamamaraan ng bawtismo na siyang naging kaugalian ng ating mga ninuno sa pananampalataya.


ANG BANAL NA HAPUNAN

Lay Formation Program-Church Doctrines-Banal na Komunyon

Batayang Teksto:

1Corinto 11:23  Sapagka’t tinanggap ko sa Panginoon ang ibinibigay ko naman sa inyo; na ang Panginoong Jesus nang gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay:

1Corinto 11:24  At nang siya’y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at sinabi, Ito’y aking katawan na pinagputolputol dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.

1Corinto 11:25  At gayon din naman hinawakan ang saro pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito’y siyang bagong tipan sa aking dugo: gawin ninyo ito sa tuwing kayo’y magsisiinom. Sa pagaalaala sa akin.

1Corinto 11:26  Sapagka’t sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya.

 

Mga Kahulugan ng Banal na Hapunan

  1. Pagpapasalamat sa Diyos

Sa Banal na Hapunan (o Eukaristiya) ang Iglesia ay nagkakaroon ng pagpapasalamat sa kabutihan ng Diyos at sa pagpapasalamat ay tinatanggap ang pagpapala na nagmumula sa Diyos na hindi kayang punuin sa sariling lakas. 

Marami tayong dapat pasalamatan sa Diyos.  Sabi nga ng manunulat ng Tesalonica “Sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayo sapagka’t ito ang kalooban ng Dios kay Cristo tungkol sa inyo” (1 Tesalonica 5:18 .)

Mahirap magpasalamat sa Diyos sa mga karanasang mabibigat na nagbibigay sa atin ng maraming katanungan.  Kung ikaw ay dumaan sa isang malubhang sakit at halos naubos ang inyong  salapi.  Kung ikaw ay kailanma’y hindi pa napapagaling sa iyong karamdaman sa tagal ng panahon.  Kung ikaw ay ninakawan, pinagsamantalahan, nasunugan, pinagsarhan ng bangko,  at iba pang kagaya ng mga ito, marahil magdadalawang-isip kang magpasalamat.

Madali at mabilis magpasalamat kung tayo ay nakatatanggap ng pagpapala.  Kadalasa’y napapaawit ka, napapangiti, maaliwalas ang mukha at hindi maipinta ang kasiyahan o kaligayahan sa buhay.

Datapwa’t kung tayo ay kabahagi ng komunyon ng Panginoon ay nalalagpasan natin lahat.  Unang-una ipinagpapasalamat natin ang ating buhay dahil mayroon pa tayong hininga, humahakbang pa, humihinga pa, at nakakakain pa.

Ito’y isang pagkakataon din na ating kilalalnin ang kadakilaan ng Diyos sa kanyang hangarin na maipagkasundo ang nagkasala sa kanya at sa kanyang kabanalan.  Masarap damhin na tayong dating palaboy ay may tahanan na tutuluyan at tayo’y tuluyang tinatanggap.  Tayong dating suwail, rebelde sa Diyos ay ipinagkasundo na at tayo ang nagsasalita sa kapakanan ng buong mundo.

Ang Banal na Hapunan ay isang kapahayagan ng biyaya ng Diyos na lipos ng kahabagan.  Ang Diyos ay kumilos para sa ating ikabubuti at ikararangal.

Sa ating pagsasalo-salo sa Banal na Hapunan, iniuukol natin ang pagpupuri at pasasalamat sa mga bagay na hindi natin magawa sa ating buhay ngunit ito’y binigyang pansin at halaga.

 

  1. Isang Pag-alaala kay Kristo

Sa salitang English ay “remembrance,” ano ba ang dapat nating bigyang alaala?  Di kaya dapat alalahanin ng bawat isa na may isang Kristo na nakipamuhay sa sanlibutan, napako sa krus, at muling nabuhay.

Ngunit ito’y hindi lang pag-aalaala kung bakit humantong sa kamatayan si Jesu-Kristo.  Kailangang maitanong natin ang ating sarili, bakit kaya namatay si Jesu-Kristo?  Dahil walang kabuluhan ang pagsasalu-salo kung alam natin na may namatay sa krus, hindi talos kung bakit siya namatay.

Ang Banal na Hapunan ay isang pag-aalaala at ito’y nangangahulugan ng pagbabalik-tanaw sa kahabaghabag na kalagayan ng tao na gustong baguhin ng Dios.  Ang taong nagkasala ay hinahango ng Dios mula sa kanyang kinasadlakan upang siya ay magsisi.  Dahil sa kanyang kalagayang papunta sa kapahamakan, ang Dios ay nagpadama ng kanyang pagmamahal para bumalik ang tao sa dati niyang kalagayan na noong pa bago siya maging tao ay iniangkop na ng Dios ang katangian at pagkatao na kawangis niya.

Tayo ay nagkatipon upang bigyang diin ang ating sarili sa harapan ng Dios na banal at mapagmahal.  Ang pag-aalaala ay tinatanong din sa ating sarili ang, “Sino tayo sa nakaraan at sino tayo ngayon? Ano tayo noon at ano tayo ngayon?”

 

  1. Isang paghibik ng Espiritu

Tuwing tayo’y nagkakatipon ay nagbabahaginan ng tinapay at saro.  Ito’y nangangahulugang humihibik ang Espiritu ng Dios.

Ang paghibik sa English ay “groan,” na ang ibig sabihin, “to make a deep, inarticulate sound expressive of derision or disapproval.”

Ang humihibik ay may malalim na paghinga dahil sa isang kalagayan.  Ang kalagayang ito ay maaaring para sa tao at para sa buong sangnilikha.  Ang Espiritu ay humihibik dahil hindi sumasang-ayon sa kalagayan ng tao at sangnilikha na patungo sa pagkawasak.  Ito ay kanyang ikinalulungkot; ito’y kanyang iniiyakan dahil ito’y hindi kalooban ng Tagapaglikha.

Sa kabilang banda, ang paghibik ay isang pakikipag-ugnayan, pakikiusap, at paghingi.  Sa Roma 8:26, nakasaad: “At gayon din naman ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan: sapagka’t hindi tayo marunong manalangin ng nararapat; nguni’t ang Espiritu rin ang namamagitan dahil sa atin ng mga hibik na hindi maisasaysay sa pananalita”.  Ang Espiritu ay nakikiusap sa Diyos para sa ating kalagayan, kapakanan.  Siya ang namamagitan para sa atin. Kung magkagayon, nakikiusap siya sa Ama, at nakikiusap din sa atin. 

Sa pamamagitan ng Banal na Hapunan, ang Espiritu ay nakikiusap sa bawat isa sa atin na magpatuloy tayo sa kabanalan kung saan tayo tinawag ng Dios sa pamamagitan ng dugo ni Kristo.  Gayon din nakikiusap ang Espiritu sa Diyos na marapatin niya tayong maging katanggap-tanggap sa kanya. Marapat lamang na ating pakinggan ang paghibik ng Espiritu sa atin sa pamamagitan ng ating pagtanggap ng tinapay at alak.  At ating italaga ang sarili sa pamamagitan din ng ating paghibik sa Espiritu.

 

  1. Pagsasama-sama ng mga Mananampalataya

Sa isang tahanan, ang dulang ay napakahalaga.  Dahil dito nagkakatipon ang magkakasambahay.  Dito nila tinatamasa at pinakikinabangan ang anumang pagpapala na pinaghirapan ng buong sangbahayan.  Ang kabawasan ng kaanib sa dulang ay nangangahulugang may nanghina, marahil sa kalusugan, sa aspetong psychological o anumang bagay na bumabagabag at humahadlang sa pakikisalo at pakikisalamuha. Ang mga malalang karamdaman ng mga mahihina ay dapat tugunan ng malalakas.

Dito rin nila maisasaayos ang anumang gusot o sigalot ng sinumang kaanib.  Sa dulang kahit may nagtatampo ang mahalaga ay makisalo sa anumang pagpapala.  Sa dulang kahit may hinanakit sa kasambahay ang mahalaga ay makisama sa ikasusundo ng buong sambahayan.

Ang Banal na Hapunan ay isang larawan ng pagsasamasama ng mga mananampalataya sa kabila ng kanilang individual differences. Sa kabila ng magkakaibang paninindigan at pagtingin sa isang bagay, sa kabila ng pag-aalilangan sa isa’t-isa, ay magagawang magkaisa ang Iglesia upang isulong ang mga layunin.  Ang sambayanan ay maaaring magkaisa para sa ikauunlad at ikalalakas ng bawat kaanib.  Sa dulang ng Panginoon, ito’y larawan ng paghahari ng Diyos at ng isang bagong pamayanan kung saan naroon ang pagkakasundo at pagkabuklod ng pag-ibig ng Diyos.  Ang dating pagkatao na puno ng pagkakahati-hati at pagkamakasarili ay binago at patuloy na binabago ng Diyos para sa isang pamayanang aktibong namumuhay para sa buhay na ganap at kasiya-siya.

Masasabi nating ang Banal na Hapunan ay patikim (foretaste) ng kaharian ng Diyos kung madama natin ang kahalagahan ng bawat isa.  Ang narating natin sa kaalaman, mga kasaganaan natin sa mga materyal na bagay, mga lahi natin, ang mga katanyagan natin ay hindi hadlang sa malaya at makabuluhang ugnayan; bagkus ang mga ito ay kasangkapan ng Diyos upang ang mahihina, ang mga walang kaya sa buhay, ang mga taong hindi pinapansin ay mabibigyang puwang at halaga.  Ang iisang uri at lasa ng tinapay, ang iisang uri at lasa ng alak para sa lahat ng nakibahagi o nakisalo ay kapahayagan ng pantay-pantay na pagtingin ng Diyos sa lahat. 

 

LEARNERS’ ACTIVITY:   Magsagawa ng repleksyon hinggil sa dalawang sakramento na kinikilala ng UCCP

           

PART 2 – A Study on the UCCP Statement of Faith

Ang Kapahayagan ng Pananampalatayang UCCP

SUMASAMPALATAYA KAMI
Sa IISANG DIOS: Manlilikha, Tagapagligtas at Gabay na siyang nagkakaloob ng kaayusan, layunin, kahulugan at kaganapan sa sangnilikha.  Na kay KRISTO JESUS, ipinanganak ni Maria, Dios na nagkatawang tao at siyang makapangyarihang Panginoon ng buhay at kasaysayan.  Na sa BANAL NA ESPIRITU ay naririto sa sanlibutan, nagbibigay kapangyarihan at gumagabay sa mga mananampalataya upang maunawan at maipamuhay ang pananampalataya kay Kristo.

SUMASAMPALATAYA KAMI
Na ang TAO ay nilikha sa larawan ng Dios, itinalaga sa pamayanan kasama ng Dios, ng kaniyang kapwa at ng sangnilikha.  Na sa pagsuway ay naging makasalanan, sa biyaya dahilan sa pananampalataya kay HesuKristo ay iniligtas.  Na sa pagkakatiwala ng Dios sa sangnilikha ay tinawag na lumahok sa pagtatatag ng isang makatarungan at mahabaging kaayusang panlipunan.

SUMASAMPALATAYA KAMI
Na ang IGLESIA ay isang katawan ni Kristo, ang pamayanan ng mga taong ipinagkasundo sa Dios sa pamamagitan ni Kristo Hesus at pinagkatiwalaan ng ministeryo ng Dios.

SUMASAMPALATAYA KAMI
Na ang BANAL NA KASULATAN ay matapat at kinasihang saksi ng Dios sa kanyang pagpapakilala sa pamamagitan ni Kristo Hesus at sa kasaysayan upang magbigay liwanag, gumabay, magtuwid at magturo sa mga mananampalataya sa kanilang pananampalataya at pagsaksi.

 SUMASAMPALATAYA KAMI
Na ang Dios ay kumikilos upang gawing isang bagong nilalang kay Kristo ang bawat tao at ang buong daigdig na maging kanyang kaharian kung saan ang pag-ibig, katarungan at kapayapaan ay naghahari. 

Ang KAHARIAN NG DIOS ay naroroon kung saan ang pananampalataya kay Kristo Hesus ay ibinabahagi, ang pagpapagaling ay ibinibigay sa mga may sakit, ang pagkain ay ibinibigay sa nangagugutom, ang liwanag ay ibinibigay sa mga bulag at ang kalayaan ay ibinibigay sa mga bilanggo at inaapi.

SUMASAMPALATAYA KAMI
Na sa PAGKABUHAY MULI ni Kristo Hesus ay nagapi niya ang kamatayan at nagbigay katiyakan sa mga mananampalataya ng buhay sa kabila ng kamatayan.  At tumitingin kami sa hinaharap sa kanyang PAGBABALIK ng buong kaganapan at kaluwalhatian upang gawing bago ang sangnilikha at tipunin ang lahat ng mananampalataya sa ilalim ng kanyang paghahari.Amen.

(Revised in 1992 by the UCCP Faith and Order Committee)

WHY WE ARE UCCP
(Song)

We believe in one God, Creator, Redeemer, Sustainer of everyone’s life
In Jesus Christ, God became human and rules as Lord of lords
In Spirit, God guides us all along.

 Refrain:
That’s why we are UCCP
It taught us just what the Lord had said
To live a life in community with God and all
Assured of life even after death
No more sorrow and no more defeat
There’s only love, justice and peace—all creation new.

 The kingdom of God is present where faith in Christ is shared
Where healing is given to the sick;
Where food is bestowed to the hungry and light is to the blind;
And freedom for captives and oppressed.

(Repeat Refrain)

 There’s only love, justice and peace… UCCP!

 

 

========================================================

 

 

References:

 

Dingayan, Luna L. “A Catechetical Guide on the UCCP Statement of Faith.” Baguio City: Ecumenical Theological Seminary.

 

Faith and Order Commission, UCCP. Unless a Seed Falls and Dies: Commentaries on the UCCP Statement of Faith. Manila: UCCP. 2010.

 

Manwal Para sa Kumpirmasyon, South Luzon Jurisdiction, UCCP.

 

Niguidula, Lydia N. Celebration: A Sourcebook for Christian Worship. Quezon City: New Day Publishers, 2004.

 

 

 

———————-

1Inihanda nina Rev. Jimmy Dolo at Rev. Leiza Dolo

Revised September 13,  2018