Magsigawa Kayo Hindi Dahil sa Pagkaing Napapanis

Juan 6:24-35

Magsigawa kayo hindi dahil sa pagkaing napapanis-Pagkain

Pagkain

Magsigawa Kayo Hindi Dahil sa Pagkaing Napapanis, ito ang isa sa mga pangunahing salita na dapat nating bigyang pansin sa ating pagbubulaybulay ngayon.  Ano nga ba ang ibig sabihin ni Jesus noong pinagwikaan niya ang mga tao na “magsigawa kayo?

Ang salitang ito ay hindi ibig sabihin na ang mga tao ay mga tamad.  Sa katotohanan ang  mga tao’y masisipag at maraming ginagawa para sa kanilang buhay.  May isang pilosopo na nagngangalang Socrates na nagsabi sa wikang English “Beware of the barrenness of a busy life”.

Hindi siya nagsasalita upang pabulaanan ang pagiging “busy” dahil maganda na tingnan ang isang tao na may ginagawa, ngunit nagpapaalala siya na hindi ibig sabihin na pag “busy” ang isang tao lahat ng kanyang ginagawa ay makabuluhan at may kapakinabangan.  Marahil ang isang tao ay nagsasayang lang ng oras sa akalain niya na napakahalaga ngunit sa pagtatasa ay kawalan ang pinuntahan ng kanyang mga panahon.

Kung ating limiin ang takbo ng ating buhay, mula noong tayo’y ipinanganak ay nagising tayo na kumakain at kumakain.  Hanggang sa natoto tayong magtrabaho at magtrabaho at enjoy na enjoy tayong gumagawa nito.  Kaya’t walang natanim sa isipan kundi magtrabaho at kumain araw-araw.  Sa tuwing tayo’y humimlay sa ating higaan ay iniisip natin kung ano kakainin bukas kahit mayroon na.  Pagbangon natin ay maagang kikilos para pumunta saan man at puedeng makasumpong ng tinapay o pagpapala. 

 Ang problema wala kaming maayos na pagsasaplano kung paano maging mabunga ang kinabukasan.  Ang halimbawa, sa amin bilang mga taga-bundok na nakagisnan ang pagkakaingin.  Ang mga tao’y araw-araw na pumupunta sa kanilang kaingin ngunit lumipas ang mga buwan pagdating ng anihan ang ipinagtrabaho ay hindi makasasapat hanggang sa makarating muli ang susunod na anihan.  Paano naging masipag lamang sa pagpunta sa kanyang kaingin o lupain ngunit wala naman talagang ginagawa kundi nagpalipas ng panahon. O kaya walang maayos o sestimatikong paggamit sa lupain upang ito’y makapagpaluwal ng maraming ani a iba’t-ibang kaparaanan.

Sa bahay sinubukan nilang mag-alaga ng baboy sa isip na magkakaroon sila ng kaunting tubo sa maliit na puhunan.  Sa hindi purong hi-breed ay puedeng pakainin ng kamote, galyang at iba pang puedeng pantawid-gutom.  Pagnagkataon na may pambili ng feeds bumibili at nakakatikim naman ang baboy ng medyo masarapsarap.  Dumating ang panahon na nabuntis at nanganak  hindi nasustintuhan ng sapat na feeds ay nagiging bansot ang mga biik.  Lumipas ang ilang buwan at tag-init nagkasakit sila at namatay ang nakararami.  Nalugi ang nag-alaga, sayang ang pagod, sayang ang pera na ginamit sa pagpapakain, sana ibinili na lang ng tinapay at kinain hindi ka pa napagod napakinabangan mo pa ang iyong pera.  Sayang ang panahon na dapat mong ginamit sa ibang bagay na mapakikinabangan.  

Sa negosyo sinubukan ng aking kapatid ang magbukas ng kainan o tindahan ng pagkain. Lumipas ang ilang buwan hindi lumago kayat sabi ko sa kanya, kung sa bawat araw ay nalulugi ka gamitin mo na lang ang araw mo sa pag-aalaga ng iyong anak kaysa magpagod ka ng magpagod ay wala kang mapapala.  Ito ang sinasabi ni Socrates na “barrenness of a busy life”.  Ang kawalang bunga ng buhay na puno ng pagpapagal.    

Sa salita ni Jesus, alam niya na ang tao ay maraming ginagawa, maraming pinupuntahan, maraming kinaaabalahan at pinag-uukulan ng panahon, maraming pinagkakagastusan at napakarami pang iba.  Kayat ang tanong, anong gawain ang gustong ipinahihiwatig ni Jesus sa kanyang salita?

May mga basehan kung paano natin maintindihan ang kanyang sinabi.  Wika ni Jesus sa Joh 6:26, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako’y inyong hinahanap, hindi dahil sa inyong nangakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo’y nagsikain ng tinapay, at kayo’y nangabusog”.

Sa ibang salita lumalapit sila kay Jesus dahil sila ay nagsikain ng tinapay at sila’y nangabusog, hindi dahil sa nakilala nila si Jesus, ni hindi dahil sa may mga tanda o “signs” na nangakumbinsi sila upang sampalatayanan si Jesus.  Ang mga tao’y lumalapit dahil lamang sa pangkaraniwang gawain sa buhay ng tao na araw-araw ay kumakain, araw-araw ay nagtatrabaho.  Wala ng ibang naisip kundi dahil sa pagkain,  hindi man lamang nakaamoy ng ibang bagay.

Sa ating panahon maraming mga taong kapit-tuko kay governor, o kay mayor dahil mayroon silang napapakinabangan.  Ok lang na ito’y isang kurakot basta ako may pakinabang sa kanya.  Kaya mabagal ang pag-usad ng ating lipunan sa pagbabago dahil walang iniisip ng karamihan kundi ang panandaliang pakinabang.  Bakit hindi ba kaya ng tao na hanapin ang mga taong may katapatan sa pagpapaagos ng katarungan, hindi ba kaya ng tao na humanap ng mga tao na magpapalaganap ng kapayapaan?

Ang paniwala ko kung ang mga pamunuan ay maayos sa pag-iisip at prinsipyo ay aagos ang kasapatan ng bayan dahil ang ating kayamanan ay kanilang pangangalagaan ng may kahusayan.  Ito ang esensya ng salita ni Jesus, hindi dapat nakatoon ang isipan ng tao sa pansamantala o sa mga bagay na sa ngayon lang kundi sa mga bagay na maka-Dios at ang maka-Dios na kaisipan ay garantiya na mapagkakatiwalaan.

Sa ibang salita sinasabi ni Jesus na, kayo ay sumusunod sa akin dahil sa akala ninyo lagi ko kayong bibigyan ng tinapay at hindi dahil sa may iba kayong pagkakilala sa akin.

Ang mga sumusunod na talata ang magpapatunay nito.               “Sinabi nga nila sa kaniya, Ano nga ang inyong ginagawa na pinakatanda, upang aming makita, at sampalatayanan ka namin? Ano ang ginagawa mo?”  Joh 6:30

Talagang ang mga taong ito ay parang bulag na walang nakita.  Kumain na nga at nabusog hindi man lang inisip kung bakit siya nakakain, kung paano nagkaroon ng pagkain.  Ang mahalaga lamang sa kanila ay nabusog, nakontento peru hindi na pinakialaman kung paano dumaloy ang pagpapala.

Mahirap nga naman talaga kung walang iniisip kundi ang magkaroon ng kabusugan at hindi na mag-iisip kung bakit nagkakaroon ang mga pagpapala.

Ito ang paalala ng ating Panginoong Jesus sa mga kagaya nila.    “Magsigawa kayo hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao: sapagka’t siyang tinatakan ng Ama, sa makatuwid baga’y ang Dios.” Joh 6:27

Pinagtibay ni Jesus ang sinabi ni Socrates na may paggawa na napupunta sa kawalan dahil ang iniisip at ginagawa ng tao ay para lamang sa tinapay na napapanis.  Samakatuwid, kung hindi natin baguhin ang ating pag-iisip at magtrabaho ng magtrabaho para lamang sa mga bagay na nasisira ay papunta lamang tayo sa kawalan.

Para sa umagang ito tayo ay pinapaalalahanan na kailangang mag-isip-isip para hindi masayang ang ating pagkakataon, at ang mga pinagpapagalan ay siguradong nalagak sa mga bagay na nagtatagal.  Ang problema sa mga taong nangabusog sa harapan ni Jesus ay nakita nila ang tinapay, nadama nila ang kabusugan ngunit hindi nila nakita at nadama ang tunay na pinanggagalingan ng tinapay.

Sa ating panahon, mistulang nangangailangan tayo ng tulong sa panahon ng examination, sa paghahanap ng trabaho, sa panahon ng tayo’y may sakit, sa panahon ng kagipitan sa pagkain, sa panahon na magulo ang buhay, ngunit kung natugunan na ang ating hinihingi, tayo’y unti-unting nangawawala na sa pamayanan ng mga mananampalataya at ginagawa natin an gating gusto sa buhay.

Ito ang gusto ng ating Panginoon na baguhin natin sa ating sarili.  Huwag sanang maging makasarili at mapabayaan natin ang mga bagay na mahahalaga na itinuro ng ating Dios.

Ang Mangangaral nagsabi, sino ang makapagsasabi kung ang kayamanan na inyong pinagpaguran ngayon na iyong ipamamana sa mga anak ay kanilang pangangalagaan, o kanilang lulustayin”.

Si Jesus nagturo at kanyang sinabi, “seek ye first the kingdom of God and all these things shall be added unto you”. Ang pag-imbak ng mga bagay na nasisira ay walang kasiguraduhan pagkatapos na tayo ay namatay na.  Inubos natin ang ating panahon, lakas at lahat ngunit ito’y mapupunta sa kawalan.  Ngunit kung ating babaguhin ang ating pagiisip at magbigay panahon sa mga bagay na tumatagal hanggang sa kabilang buhay, ito ang sinasabi ng Panginoong Jesus na tinapay na hindi napapanis.  Marahil maririnig natin ang Panginoonna magsasabi, congratulations anak, ang gawain mo’y    hindi lamang sa mga napapanis kundi maging sa mga bagay na nagtatagal.  Amen.