Mangagbihis Kayo-Mga Hinirang ng Diyos

Sermons UCCP AKO

Colossians 3:12-17

 I. Sino ang mga hinirang

Sila ang mga banal-ang ibig sabihin nito ay hindi mga taong mga ganap at walang kapintasan ni hindi nagkasala ngunit sila ang mga pinabanal ni Cristo.

Sila ang mga taong kumilala sa kanilang mga kakulangan sa kabanalan ng Diyos. O kaya sila ang mga taong kumilala sa kanilang sarili na nagmalabis sa kapwa tao at ibang nilalang.

Sila ang pinabanal dahil sa pagtanggap kay Cristo bilang handog na nagpawalang sala sa kanila.

Sila ang mga taong naki-ugnay muli sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo at itinalaga ang kanilang buhay na sumunod sa katuruan niya.

Sila ang mga Minamahal-sila ang mga taong walang silbi at hindi karapatdapat na mahalin. Sila ang mga taong kaaway ng kanilang sarili, kaaway ng ibang tao at kaaway ng Diyos.

Ang mga taong ito ay inari ng Diyos na walang bayad kundi sa pamamagitan ng pagkupkop nang may pagmamahal.

Sila ang pinag-ukulan ng Diyos ng kanyang dakilang pagmamahal upang maipadama ang kabuluhan ng buhay na hindi nila natatanto sa kanilang sariling pag-iisip at pagkilos. Ngunit sa pamamagitan ng pagmamahal ng Diyos ay makita at magising sila na ang buhay ay mahalaga at may kabuluhan.


II. Kayo Ay Mangagbihis

♦ng isang pusong mahabagin

♦kagandahang loob

♦kababaan

♦kaamuhan

♦ng pagpapahinohod

♦managagtiisan kayo sa isa’t-isa

♦mangagpatawaran kayo sa isa’t-isa

Mahirap hindi nagbibihis kahit ikaw ay naligo dahil pagbalik mo sa iyong damit marahil ikaw ay kakatihin. Maliban sa mangangati ka ay naroon ang amoy ng iyong mga pawis at mga dumi na kumapit sa iyong damit. Hindi mo maikukubli dahil nakakasulasok sa iyong mga kasama.

Ganun din sa pag-uugali mag-aral ka nang mag-aral ng salita ng Diyos kung hindi mo naman isinasabuhay ay para kang lagi naliligo na hindi nagpapalit ng iyong kasuutan.

Ang pagpapalit ng ugali na kailangang tanggalin ay mahalaga dahil ito ang tutumbukin ng salita ng Diyos sa ating buhay. Ang mga ugaling nangangamoy na ay kailangang palitan ng mabango na ugali na kahuhumalingan ng ating kapwa tao.

Sa lahat ng mga nabanggit sa itaas ay puede nating pagsamasamahin ng tatlong grupo lamang at ito ay tinawag ni Apostol Pablo na pang-ibabaw na kasuutan.

 

III. Sa Ibabaw ng Lahat

A. Mangagbihis-ng Pag-ibig na siyang pinakatali ng kasakdalan

Minsan nangaral si Apostol Pablo sa mga Taga Corinto at sinabi sa pinakahuli niyang salita: Datapuwa’t ngayo’y nanatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, ang pagasa, at ang pagibig; nguni’t ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig. 1Co 13:13

Napakahalaga ang lugar ng pag-ibig sa buhay ng mga pinabanal ng Diyos. Walang silbi ang pananampalataya kung wala ang pag-ibig. Wala ring silbi ang pag-asa kung walang pag-ibig din.

Ang pangangaral ni Apostol Pablo sa mga Taga Corinto ay hindi naiiba sa mga Taga Colosas na pangunahin ang pag-ibig sa lahat ng kasuutan o paguugali ng mga pinabanal ng Diyos. Kay Apostol Pablo pag-ibig ang nagpapasakdal ng lahat.

Atin tingnan ang mga iba’t-ibang uri ng pag-ibig at usisain kung alin dito ang sinasabi ni Apostol Pablo.

Philia

Sa salitang Griego ay may pag-ibig na philia, pagibig na storge, pagibig na eros, at pag-ibig na agape

Ang philia ay ang pagmamahal sa kapwa tao. Ito ang pagbibigay ng malasakit sa kanila, pagbibigay ng respeto at ang pagiging maawain sa kanila.

Ang damdamin na kayo’y magkakaibigan, magkakapatid sa anumang kalagayan at panahon ng pangangailangan ay isang uri ng pagmamahal.

Storge

Ang salitang storge Griego ay ang pagmamahal na walang kaugnayan sa pagkaakit sa pisikal na katawan.

Malakas ang damdamin na natotoon sa pagiging pamilya.  Ang pagsasamahan ng anak at mga magulang, at mga magkakapatid. Ang pangangalaga at pagbibigay proteksyon sa isa’t-isa ang buklod ng pagsasamahan.

Eros

Ang eros ay pagmamahal na nauukol sa ugnayan ng lalaki at babae at natotoon sa pagnanasa na kailangang pagbigyan.

 Agape

Ang agape ay naiiba sa lahat ng uri ng pag-ibig. Ito ang pagmamahal sa mga mahihina, pagmamahal sa hindi kamahalmahal, pagmamahal sa kaaway.

Sa lahat ng uri at ekspresyon ng pag-ibig ang agape ang ipinakita ng Diyos na tularan ng mga hinirang.

Madali ang magmahal sa kapwa tao dahil ito ay bahagi ng ating pagiging tao. Madali ang magmahal ng magulang at mga kapatid dahil doon tayo nagising, at nagkamalay. At lalong madali ang magmahalan ang lalaki at babae dahil masidhi ang damdamin. Ngunit mahirap magmahal sa mga hindi karapatdapat, mahirap magmahal sa mga mahihina at walang kakayanan, mahirap magmahal sa kaaway.

Ngunit hindi ibig sabihin na hindi kayang gawin kundi ito ay naisasagawa. At ang makapagsasagawa ay ang mga hinirang ng Diyos na kumilala sa kanya at gustong mamuhay sa kanya.

B. Maghari ang kapayapaan-sa mga puso

Si Jesus noon kasakasama niya ang kanyang mga alagad ay mariin niyang ipinaalala sa kanila ang isang uri ng kapayapaan:

“Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo: ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.” John 14:27

Ating tingnan ang iba’t-ibang ibig sabihin ng kapayapaan.

  • kawalan ng giyera; kawalan ng karahasan sa bia’t-ibang bansa.
  • isang kalagayan ng pagkakasundo ng mga tao or grupo; kawalan ng alitan
  • kawalan ng kaguluhan sa mga mamamayan; pangkalahatang kaayusan at katiwasayan
  • kawalan ng pagaagamagam, at iba pang kaguluhan sa isip.

Hindi ibig sabihin na kung may giyera ay wala na ang kapapayaan, hindi rin ibig sabihin na kung may mga hindi nagkakasundo ay wala na ang kapayapaan, ni hindi rin ibig sabihin na pag walang katiwasayan ay wala na ang kapayapaan, at hindi ibig sabihin na pag may kaguluhan sa isip ay wala na ang kapayapaan.

Ang kapayapaan ay nanatili dahil ito ay katangian ng Diyos at nanatiling mapayapa ang Diyos.  Gayon pa man kung hindi maayus-ayos ng tao ang kanyang sarili at nananatili ang hidwaan, poot, karahasan at pagkasira ng buhay ay hindi maranasan ng tao ang kapayapaan na gustong ipadama, ipalasap, at ipamalas ng Diyos.  Mananatiling ito’y sa Diyos lamang at walang bahagi ang tao sa isang kalagayan na ibinabahagi ng Diyos.

Ang mga hinirang ng Diyos ay dapat maghangad ng kapayapaan. Inaangkin, tinatrabaho at isinasabuhay ng mga hinirang ang kapayapaan na ibinibigay ni Jesu-Cristo.

C. Maging Mapagpasalamat

Isang hapon umulan ng malakas.  Nabasa ang lupa, lumamig ang simoy ng hangin.  Sa gabi kumikislapkislap ang nabasang dahon ng mga halaman.  Naaliw si Palaka at namasyal, kanyang mabuting tiningnan ang kanyang dinadaanan. Alam niya kasi na karaniwan ang sakuna sa kapaligiran.  Kahit alam niyang nasa tahanan ang mga tao kailangang mag-ingat pa rin.

Mula sa malayo nakakita siya ng isang tahimik na nilalang.  Sa kanyang isip, marahil yan ay ahas o kaya’y anomang hayop na handang sumunggab.  Para sa kanya, kung ahas iyon madali lang niya akong sunggaban.  Kaya’t kanyang binago ang kanyang direksyon, nang kanyang marinig na nagsalita ang ahas at kanyang sinabi, “Tulungan mo ako, di ako makagapang, tinaga ako kahapon at may sugat sa aking katawan.  Patay sana ako kung ang ulo ko ang tinaga.”  Sagot ng palaka, “Palagay ko di ko magagawa yan dahil kinakain kami ng ahas.  Kami’y pinagpayuhan na lumayo sa mga kagaya ninyo at hindi dapat tinutulungan.”  “Alam ko”, wika ng ahas, “kaya lang mamamatay na ako; masyadong mahina na ang aking bibig para ibuka pa ito.”

Naawa ang palaka at lumapit.  Tunay nga na dugoan ang katawan ng ahas at malapit nang maihiwalay ang kanyang buto.  Pinagtiyagahan ng palaka na hinila upang dalhin sa ilog kung saan nakatira ang buong pamilya upang tulongan.  Nagtaka ang pamilya at ang kapitbahay ng palaka.  Sabi nila, tanga ito nakikihalobilo sa kaaway, pabayaan mong mamatay, wika nilang lahat.  Sagut ng palaka, may sugat di niya tayo kayang pagtakanghan pa humihiling ng tulong.  Hindi pa rin tumulong ang iba dahil sa kanilang takot at pagkakaalam na nangawala ang kanilang kasamahan dahil sa ahas.  Isa lang ang naawa sa ahas at hindi pa tinulongan ng kanyang asawa.  Nilinis ang sugat at nilagyan ng gamut at pinakain pa.  Sa loob ng isang lingo mag-umpisa nang maghilom ang sugat ng ahas at puede nang kumilos ng kaunti.  Halos lahat ng panahon ng mag-asawang palaka ibinigay upang matugonan ang pangangailangan ng ahas. Bawat araw bumabalik ang lakas ng ahas.  Sa isang lingo na lang magaling ka na maliban lang sa pilat ng iyong balat at kaunting baluktot sa iyong buto at para ka nang dati,wika ng inang palaka.

Dahil sa matagal na panahong nagkakasama ang ahas at palaka nawala na ang takot sa panig ng palaka.  Ngunit ang pinakamasaklap bago umalis ang ahas kinain lahat ang mga anak ng palaka.  Sabi ng amang palaka, diba sabi mo hindi mo kami kakainin?  Sagut ng ahas, noong ako’y mahina at ako’y namamatay, ngayon malakas at gutom na ako.  Sa gayon kinain lahat sila.

Malinaw na walang utang na loob ang ahas sa mga palaka na tumulong at bumuhay sa kanya.

Maraming pagkakataon at maraming tao ang nag-uugaling ahas sa Diyos.

Alalahanin natin na ang Diyos ay mabuti sa lahat ng kanyang nilalang kahit sa mga masasama. Ang sikat ng araw ay pinakikinabangan ng mga masasama. Ang hangin na nagtataglay ng oxygen ay libre sa lahat kasama ang mga masasama. Ang tubig na iniinum natin ay kasama rin ang mga masasama.

Ibig sabihin kahit tayo’y masasama ay tumatanggap ng biyaya mula sa Diyos at binubuhay ng Diyos. Kaso nga lamang hindi tayo marunong tumanaw ng utang na loob.

Sabi ni Apostol Pablo, maging pamagpasalamat kayo. Ito ay maging kalakaran ng buhay ng mga hinirang. Ang kilanlin ang pinanggagalingan ng biyaya na kanilang tinatamasa at bumubuhay sa kanila.

 

Pangwakas

 Sa ating paglalakbay sa buhay na ito mariin ang paalala ng Diyos sa atin.

Ang mga hinirang ng Diyos ay dapat mangagbihis. At sa lahat ng katangian at pag-uugali na ating isusuot ay:(a) ang pag-ibig na siyang pinakatali ng kasakdalan, (b) ang kapayapaan na maghahari sa mga puso, at (k) maging mapagpasalamat.

 Ang tatlong ito ay tataglayin ang lahat ang mga sumusunod:

  • isang pusong mahabagin
  • kagandahang loob
  • kababaan
  • kaamuhan
  • pagpapahinohod
  • managagtiisan kayo sa isa’t-isa
  • mangagpatawaran kayo sa isa’t-isa

 Nawa ang walang humpay na pagpapala ng Diyos ang sumaatin upang maisagawa natin ng may katagumpayan ang inaasahan niya sa kanyang mga hinirang. Amen.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *