Pagibig-Pinakatatak sa Iyong Puso-sa Iyong Bisig

TOPIKO:      Pagibig-Pinakatatak sa Iyong Puso-sa Iyong Bisig
TEKSTO:     Awit ng mga Awit 8:6-7

Ilagay mo akong pinakatatak sa iyong puso, pinakatatak sa iyong bisig: sapagka’t ang pagsinta ay malakas na parang kamatayan, panibugho ay mabagsik na parang Sheol: ang mga liyab niyaon ay parang mga liyab ng apoy, isang pinaka liyab ng Panginoon.  Ang maraming tubig ay hindi makapapatay sa pagsinta, ni mapauurong man ng mga baha; kung ibigay ng lalake nag lahat na laman ng kaniyang bahay dahil sa pagsinta, siya’y lubos na kukutyain.


PANIMULA:
Isang masakit at nagsusumpang iyak ng isang Deakonesa ang umalingawngaw dulot ng panggagahasa ng isang pulis sa isang sulok ng kadiliman.  Tahimik ang  batas sa pangyayari na sumira sa kaluningningan at kadakilaan ng isang tao.  Kung kayo’y tatawagin sa hukuman upang hatulan ang insidente , sa tingin ninyo, ito ba’y isang pag-ibig o kabaliwan?  Anong kapangyarihan o ebedensya ang inyong batayan upang maging malaya sa kamalian?

PANALANGIN:
Dios ng awa at pagsinta, turuan mo kaming maging tapat sa aming sarili, sa aming pamantayan sa pag-ibig namin sa kapwa tao at sa Inyo.  Igawad mo Panginoon ang karunungan upang maunawaan namin ang Inyong  pangangaral at kumilos kaming kaaya-aya sa Inyong harapan.  Amen.

 

PAUNANG SALITA:
Sa Media hindi lingid sa atin ang lantarang pagpapahayag ng mensahe ng pag-ibig.  Sa radyo sa pamamagitan ng mga awit, sa mga dyaryo, sa mga pelikula sa kanilang pagbulalas ng hindi mapigilang pagsasalarawan ng kanilang mga damdamin ay nagbibigay patutuo na ang pag-ibig ay sadyang makapangyarihan, hindi lamang sa pandinig kundi sa mga kaganapan.

Maraming nagugulat sa Biblia, lalong-lalo na sa libro ng Awit ng mga Awit o Awit ni Solomon na kompleto at maliwanag na maliwanag ang pagkabigkas at pagsasalarawan ng pag-iibigan.  Malinaw na ipinapakita ang walang-hiyang pagtatamasa ng dalawang magkasintahan maging sa kanilang pag-uusap.

Sa dahilang ito, may mga pagsubok na alisin ang awit ni Solomon sa Biblia, o kaya’y gawing para sa ‘adults’ lamang.  Noong ika-labing anim na siglo (16th century A.D.) si Prof. Fray Luis de Leon ng Espanya ay naalis sa kanyang pagtuturo at nabilanggo ng apat na taon.  Ang kanyang kasalanan ay, kanyang isinalin ang “Awit ni Solomon” sa wikang Kastila, sa layunin na maraming makabasa at makaintindi.

Ngunit ang mayamang mensahe sa librong ito ay siyang dahilang kung bakit naging bahagi ng Biblia na siyang pinagbabasehan natin ngayon sa ating makabuluhang aral.

Kung inyong napansin, sa buong libro ay ang usapan ng dalawang magsing-irog at ang kanilang pag-iibigan ang tanging laman.  Ang pagmamahalan na walang inililihim.  Mula sa kanilang pagtitinginan, at sa kanilang damdamin at mga gawain.  Ating nakikita at nadarama ang matamis na pag-iibigan na tumatali sa tapat na relasyon na magpahanggang wakas.

 

May mga mahahalagang bagay na dapat nating makita dito. 

Una, Ang magkasintahan ay hindi naglalamangan.  Silang dalawa ay may respeto sa isa’t-isa.  Ang babae’t lalaki ay parehong nagbibigay ng “appreciation” o pagpupuri sa isa’t-isa.  Hindi nandadaya kundi taglay ang katapatan.

Kung aking tatanungin, sino sa inyo ang nandaya sa kanyang asawa?  Sigurado walang aamin.  Maalala ba ninyo ilang beses kayong nandaya?  Sa mga estudyante ilang beses ninyong pinagsinungalingan ang inyong mga magulang?  May estudyante daw noon na nandaya sa kanyang mga magulang dahil hindi sila marunong umintindi sa mga salita.  Sabi ng anak, nanay may babayaran po kami sa skul,  mga project, nagbigay ang ina.  Sumunod na linggo, hindi lang project may karagdagan pa, tinanong ng ina, ano yon, tugon naman ng anak, subject po.  Hanggang padagdag ng padagdag, project, subject, predicate, adverb at kung anu-ano para lang makakuha ng pera.

Sa mga guro, ilang beses din dinaya ang kapwa guro at mga estudyante?  Ang isang sa mga naririnig na pandaraya ng guro ay ginagamit ang ilan sa mga estudyante na gumawa ng kanilang trabaho gaya ng pag-tsetsek ng test papers.  Kunwari ina-appreciate niya ang magaling na estudyante kaya sinasamantala naman niya ang kagalingan.  Sa mga administrators, dini-delay ang mga suweldo ng mga empleyado, o kaya sinisigurado ang kick-back na ibabawas mula sa mga proyekto.  At sa pangkalahatang karanasan, ang pera na hindi maayos ang liquidation.  Alam ba ninyo na galing sa ating gobyerno na sa liquidations may tinatawag na miscellaneous, extraordinary at other expenses.  Ang katakataka, bakit lumulusot sa kamay ng Comission on Audit.

Ang ibig sabihin nito, maging sa gobyerno o sa private institution ay talamak ang dayaan.  Ang tanong, gaano ba nating kamahal ang ating trabaho, posisyon na pinanghahawakan?  Tayo ba ay napunta doon para isulong ang pansariling kapakanan o para isulong ang kapakanan ng pangkalahatan?

Alin man sa mga ito ang nangyayari ay tahasang pandaraya sa tatlong partido: Sa sarili, sa biktima, at sa Diyos tumitingin at humahatol sa lahat.  Ayon sa kasabihan mula sa ating Panginoong Jesus, “Kung ano ang inyong ginawa sa aking maliliit na kapatid ay ginawa din ninyo sa Hari ng lahat.”

Kung ating limiin ang pagmamahal ng Dios, kanyang sinamantala ang ating kahinaan upang ipakita ang kanyang katapatan.  Hindi niya sinamantala ang tao para lalo pang masira sa kanyang katatayuan.  Bagkus sa kahinaan ng tao ay nalantad ang dakilang pagmamahal.  Napakahirap yatang tularan ang ganitong uri ng pagsinta.  Ang taong nagmamahal sa hindi kaayaya at dapat mahalin ay tinataguriang hangal.  Ngunit ito’y hindi imposible.  Sa aking pakikipaglakbay sa mga kababaihan sa pamamagitan ng pagaaral ay lumitaw ang isang katotohanan na nangyayari sa pagitan ng magasawa ang tunay na pagmamahalan.  Ang tanong, bakit?

Kasi marami na sa kanila ang matagal na nagtiis sa mga pag-uugali at pagkatao ng bawat isa.  At hanggang ngayon ay asawa pa rin nila.  Kaya’t hindi katakataka kung bakit ito ang ginamit ni Apostol Pablo na paghambingan sa relasyon ng Panginoon at ang kanyang Iglesia.  Sa relasyon ng mag-asawa ay nangingibabaw ang pagmamahal sa kabila ng lahat ng kahinaan.  Umaasa ang lahat ng mga ito ay may panahon ng pagbabago para sa kapakanan ng buong sambahayan.

Pangalawa, Ang pagsinta ay makapangyarihan, walang nakahahadlang.  Ayon sa manunulat, ‘Ang pagsinta ay malakas na parang kamatayan, ang mga liyab niyaon ay parang mga liyab ng apoy, ang maraming tubig ay hindi makapapatay sa pagsinta, ni mapauurong man ng mga baha; kung ibigay ng lalake ang lahat na laman ng kaniyang bahay dahil sa pagsinta, siya’y lubos na kukutyain.’.

Katulad ng Kamatayan. Bakit kaya inihambing sa kamatayan ang pagsinta?  Mapansin natin na ang kamatayan ay walang pinipili, tinatangay lahat, ni hayop man o tao at lahat ng may buhay.  Death has to go all the way by its power to destroy everything.  Kahit walang buhay nga sinisira, everything has to go to decomposition.  It has to go on and nothing can deter.  Ganito rin ang pagsinta, meron siyang likas na kapangyarihan na magpapatuloy at walang makahahadlang.  Everyone has this feeling instinctively, everyone is affected, everyone succombs to it.

Katulad ng Apoy.
Sa apoy naman ay walang pagkakaiba dahil lahat ay tinutupok.  Ang apoy ay naglalagablab, at habang napapabayaan ay lalong nag-aalab.  Sabi ng manunulat, ‘ang maraming tubig ay hindi makapapatay sa pagsinta, ni mapauurong man ng mga baha’.

Parang ito’y paradoxical, ibig sabihin ay totoo na hindi.  Kasi ang apoy naman ay napapatay kapag sa umpisa pa lang o maliit ay nabubuhusan.  Kung ito’y malaki na puedeng mapatay din kaya lang marami ng nasira.  Kung sa wild fire, buong kabundukan ang nasunog mahirap mapatay maliban kung umulan ng malakas.  Ang problema kahit umulan ng malakas kung makapal ang napuntahan ay magniningas pa rin hanggat di natutupok ang buong gusali.  Kung mapatigil man ito ay sira na ang mga gamit.  May isang katotohanan akong nakita, ang apoy ay hindi puedeng mawala dahil ito’y kailangan ng tao upang mabuhay, kailangang magluto.   At kahit wala ng taong nabubuhay ang apoy puedeng lilitaw.  Ito’y sadyang may kapangyarihan sa pamamagitan ng kalikasan.  Samakatuwid, ganun din ang pag-ibig ito’y may kapangyarihan na di napapatigil.  Kung sa mga pangyayari na pinatigil ng mga bombero ang apo’y hindi ibig sabihin na napuksa na nila ang kapangyarihan nito dahil darating at darating ang panahon na lilitaw din.   Ang pag-ibig kung minsan ay nangungulimlim ngunit hindi ito nawawala.  Magaalab siya at lalamunin ang ating buong pagkatao, ikukulong tayo at susunod sa kanyang kapangyarihan.


Hindi nakukuha sa Kayamanan.

Ang pagsinta ay hindi nabibili ayon sa manunulat, sabi niya, ‘Kung ibigay ng lalake ang lahat na laman ng kaniyang bahay dahil sa pagsinta, siya’y lubos na kukutyain.’  Sa madaling salita, kung gugustuhin man ng isang lalaki ang isang matanda at mayamang babae upang maging asawa niya ay dahil sa ito’y gusto niya at mahal niya.  Siyempre ang inaasahan ng bawat isa sa atin ay masaya silang dalawa.  Makabuluhan at mabunga ang kanilang pagsasama.   Kung naging masaya lamang ang asawang lalaki dahil sa kayamanan ng kanyang asawang matandang babae ay hindi na pagmamahal iyon.   Ito ay isang pagsasamantala, kukutyain ang asawang babae dahil pumayag na ito’y linlangin ng lalaki.  Ang lalaki nama’y kukutyain dahil nakita na siya’y mapagsamantala.

Kung ang hanap ng bawat isa sa atin ay kasiyahan, kagalakan, mabunga at makabuluhang relasyon o pagsasama ay hindi puedeng makukuha sa yaman.  Kung ang isang babae o isang lalaki ay nagkaroon ng pansamantalang kasiyahan sa isang ugnayan dahil lamang sa kayamanan, ang kanyang minahal ay ang kayamanan at hindi ang kanyang asawa.

Ang pag-ibig ay pag-ibig hindi puedeng daanin sa pera dahil ito ay damdamin, ito ay kaganapan na hinahanap ng bawat isa.  Ito ay bumubuo sa ating pagkatao na ito’y hindi natatagpuan sa anumang bagay kundi sa sarili.

Kapag tayo ay nasa kanyang kapangyarihan wala ng makahahadlang sa anumang balak na lalong makapagpapalakas sa bawat isa sa atin upang damhin ang buhay na may kabuluhan.

Sa pagsinta walang batas na nakahahadlang dahil ito ang batas na hindi nangangailangan ng anumang batas.  The highest law is love because it trascends any law. Love knows no law, love contradicts no law, and it challenges any existing law and it even transforms it.   Love makes everyone happy and complete.  This is the engredient of a fulfilled life.  Sa Bagong tipan, sabi ni Apostol Pablo:  “Kaya man nating magsalita ng salita ng angel, malaman natin ang lahat ng mga hiwaga, malipat man ang bundok dahil sa pananampalataya, ibigay man nating lahat ang ating tinatangkilik para sa mga dukha, ibigay man ang ating katawan upang sunugin, kung walang pag-ibig ay walang kabuluhan at walang pakinabang”.  Sa talatang 13 ay sinabi, ‘Datapuwa’t ngayo’y nanatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, ang pagasa, at ang pagibig; nguni’t ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig’. (1Co 13:13)

Mga kapatid, ang pagsinta ng Dios ay sadyang malaya.  Hindi nalulunod sa tubig, hindi kayang tangayin ng bagyo, lalo’t higit sa lahat hindi kayang bilhin ng kayamanan, o hindi nasusuhulan.  Ang kanyang kapangyarihan ay higit sa lahat.

Sa pag-aaral ng paghahatol ng tama o mali; makatuwiran at di-makatuwiran, ang pag-ibig ang tanging basehan o norm ng lahat.  Ang pag-ibig ay hanggang sa kahit saang sulok ng mundo, sa anumang panahon at kalagayan ay tama.  Sa ating pagtatapos matanong ko nga sa inyo ang mga sumusunod?

May makapipigil ba kung mamahalin ang inyong kapwa tao?

May makapipigil ba kung mamahalin ang inyong asawa?

May makapipigil ba kung mamahalin ninyo ang ating Diyos?

May makapipigil ba kung mamahalin mo at patawarin ang isang kriminal?

Bawat isa sa atin ay may kalayaan na isabuhay ang pagsinta, kaya natin dahil nangyayari na.

 

PANGWAKAS:

Bago natin makalimutan, balikan natin ang isang kaganapan sa pagitan ng pulis at Deakonesa.  Tatlumpo’t anim na taon ang nakaraan, namatay ang pulis na gumahasa sa Deakonesa.  Umiyak ang Deakonesa at lubhang masakit ang kanyang dibdib.  Ang kanyang iyak ay hindi sa galit, hindi nagsusumpa kundi isang iyak ng damdaming punongpuno ng paggiliw sa kanyang asawa.  Ang pulis ay naging tapat na asawa at responsible sa pamilya.  Inibig niya ang Deakonesa ng buong puso at kaluluwa at naging isang huwarang mananampalataya sa Dios.

Ilang beses tayong naging taksil sa Dios, ilang pagkakataon at ilang ulit nating ginahasa ang dakilang pagmamahal ng Dios, ngunit ang kanyang pagmamahal ay naghihintay at higit sa ating kataksilan.  Kailan kaya ang kaganapan ng ating pagmamahal sa Dios sa salita, sa puso at sa gawa.  Ang hamon ay nananatiling umaalingawngaw sa ating harapan na magsisilbing tanglaw nating sa ating pagpapasiya at paglalakbay.

Hayaan mong pag-ibig ay dumaloy.  Ang puso mo’y punuin.  Magpasya ka at isipin mong buhay moy kaloob ng Dios.  Dahil ang pag-ibig ay galing sa Dios ang sinumang hindi tapat sa pag-ibig ay hindi tapat sa Dios.  Sa pangalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo.  Amen.