Unawain at Tuparin ang Misyon ng Diyos sa Mapanghamong Panahon

Teksto:

Isaias 61: 1-4
Juan 20: 19-22

Naniniwala ba kayong ang panahong kasalukuyan ay maituturing na mapanghamon? Ang ibig sabihin, ang mga nangyayari sa ating buhay bilang isang pamayanan ay nagdudulot  hindi lamang ng simpleng pag-aalinlangan, pagkabalisa o pagkatakot, kundi maaaring humantong sa kagipitan at matinding kahirapan. Kapag ang isang tao o bayan ay nakatanggap na ng paniniil, ito’y gumagawa ng pamamaraan at kumikilos upang maibsan ang nararanasang hirap.

Magbigay tayo ng isang konkretong halimbawa. Nito lamang nakalipas na mga araw ay pinagdebatehan sa Senado kung ipapatupad ba ang dagdag na buwis sa mga motoristang dumadaan sa SLEX.  Ang dagdag na buwis ay aabot sa 250%. Kung kaya’t sa mapanghamong kalagayang ito, may mga senador na tumututol sa panukalang ito. Sapagkat sino ba ang lubos na mahihirapan kapag ito’y napatupad, hindi po ba’t ang mga maliliit na tao, mga negosyanteng nag-aangkat ng produkto mula sa probinsya patungong Maynila at dumadaan sa SLEX. Tiyak na kikilos at gagawa ng paraan tayong mga Pilipino upang hindi matuloy ang nasabing panukala.

At marami pa tayong maaaring banggiting halimbawa na nagpapatunay na mapanghamon ang kinatatayuan nating sitwasyon sa araw-araw.

Isa pang salita na maiuugnay natin sa “mapanghamong panahon” ay “kritikal na panahon” o “panahon ng kagipitan.” Iyon palang salitang “krisis” ay nagmula sa Griyegong salita krinein na nangangahulugan ng isang pagkilos o paggawa ng agarang desisyon upang mapalaya sa nasabing katayuan.

Ayon kay Karl Barth, isang kilalang teyologo mula sa Europa, nagkakaroon ng isang krisis kapag ang gawa ng tao ay taliwas sa panukala ng Diyos. Ang bagay na ito ay magandang ipinaliwanag ni Dr. Everett Mendoza, isang Pilipinong teyologo, nang sabihin niyang sa sandaling magsalubong ang gawa ng tao na hindi sang-ayon sa plano ng Diyos, ang magiging resulta ay …. isang matinding KRISIS.

Alam naman nating sa kasaysayan ng isang bansa, hindi lamang iisang beses kundi maraming beses na nakaranas ito ng krisis, kritikal o mapanghamong yugto. At sa Bibliya, partikular sa Lumang Tipan, nakasaad ang kasaysayan ng Israel at ng mga karatig nitong bansa sa panahong sila’y sumailalim sa matinding krisis o mapanghamong panahon. (TRIVIA QUESTION: Magbigay ng aklat sa Lumang Tipan kung saan nakalahad ang kasaysayan ng Israel. SAGOT: I,II Samuel, I, II Hari, I,II Cronica. Bagaman ang buong Bibliya ay maituturing na aklat ng kasaysayan, sa mga nasabing aklat nasasaad ang aktuwal na mga pangyayari, ayon sa may akda na Chronicler.)

At ang kritikal na panahon ay higit na naranasan ng bansang Israel sa dalawang yugto. Una, ang pagbagsak ng hilagang kaharian (mas kilalang Israel) sa kamay ng Assyria (740BC) at pangalawa, ang pagbagsak ng timog na kaharian (na mas kilalalng Judah) sa kamay ng Babylonia (586BC). Bakit bumagsak ang mga kaharian ng Israel? Dahil hindi sila sumang-ayon sa plano ng Diyos. Tinalikuran ng mga hari ang salita ni Yahweh, nilapastangan ang Kanyang banal na pangalan, sumamba sa mga dios-diosan na pinaniwalaan ng ibang bansa, pinahirapan at inapi ang sarili nilang kababayan  para lamang maging  “kaibigan “(ally) ang malalakas na bansa. Dahil sa kanilang matinding pagkalimot sa utos ni Yahweh, humantong ito sa kanilang pagbagsak. Pinarusahan ang mga hari ng Israel, pinahirapan at pinatay ang kanilang pamilya, at ang buong bansa ay ginawang alipin sa Babilonia. Nanatili silang mga bihag sa loob ng 70 taon.

Ang binasa nating bahagi sa Isaias 61 ay tumutukoy sa panahong nakalaya na ang mga bihag na taga-Judah. Sila’y muling bumangon sa kanilang pagkalugmok. Natapos na ang madilim na taon sa kanilang buhay at nagkaroon sila ng panibagong mithiin bilang hinirang ng Diyos. At ito’y ang pagiging lingkod ni Yahweh sa pagpapahayag ng kanyang Magandang Balita. Kung dati’y isa silang bansang tumalikod sa plano ng Panginoon, ngayon sila’y taong handang humarap upang makinig. Sila’y pinuspos ng Espiritu ni Yahweh upang ipahayag sa mahihirap ang Magandang Balita ng kaligtasan, upang pagalingin ang mga maysakit, at palayain ang mga bihag at bilanggo. Gayundin, upang ibalita ang panahon ng kalayaan sa mga sinisiil, lupigin ang mga kaaway, at aliwin ang mga naulila. Samakatwid, ang bansang ito na dati’y labis ang kalungkutan, ngayo’y puno na ng kaligayahan. Sa halip na salungatin ang panukala ng Diyos, naririto sila’y sumasang-ayon at tumatalima sa Kanyang kalooban. At hindi lamang ito pangkaraniwang kalooban ng Diyos, kundi ito’y tumutukoy sa Kanyang misyon para sa buong sangnilikha.

Mga kapatid, ang naranasang kritikal o mapanghamong yugto ng Israel  ay nagtuturo sa atin ng dalawang mahahalagang bagay sa pagmimisyon ng Diyos:

  • Pag-unawa
  • Pagtupad

Pag-unawa

Ang pag-uunawa ay nangangailangan  ng pagsusuri at masusing pag-aaral. Parang isang doktor na sinusuri muna ang kanyang pasyente bago ito maghatol ng mga gamot. Ang tawag dito ay diagnosis at sa pangkalahatan ay masasabing isang social analysis. Sa kritikal na kalagayan ng isang tao o isang bayan, napakahalagang kilalanin muna at pag-aralan ang buong sitwasyon bago gawan ng karampatang pagpasya at pagkilos.

Ganyan din po sa pag-unawa sa misyon ng Diyos. At ang dakilang katuwang natin ay walang iba kundi ang Espiritu ng Panginoon. Pinuspos ang lingkod ni Yahweh ng Kanyang Espiritu upang ang Mabuting Balita ay maipahayag sa higit na nangangailangan sa lipunan.

Sa Bagong Tipan, sa Juan 20:22, hiningahan ni Kristo ang mga alagad upang tanggapin nila ang Espiritu na nagbibigay kapayapaan at pang-unawa.

Kapag nakilala na natin ang sitwasyong ating kinalalagyan at napagtantong ito’y kritikal, gayundin ang kahulugan ng misyon ng Diyos sa nasabing katayuan at saka tayo gagawa ng pagpapasya at pagkilos hinggil dito.

 

Pagtupad

Ang pagtupad sa misyon ng Diyos ay mapapadaloy pagkatapos itong maunawaan (sa pamamagitan ng masusing pag-aaral o social analysis). Kaakibat dito ang katalagahan ng ating sarili upang humayo tungo sa malawak na anihan ng Diyos at ilapit yaong mga mahihirap, mga biktima ng kalamidad, iba’t ibang uri ng harassment, may banta sa kanilang buhay, at iba pa. Katulad ng pagsugo sa mga unang alagad, tayo rin ay sinusugo upang ipahayag na ang Diyos ay nagbibigay-buhay at hindi ng  kamatayan; ang Diyos ay hindi nagdudulot ng pagkatakot kundi ng katapangan; nagkakaloob ng buhay na ganap at kasiya-siya, hindi ng pansamantalang ginhawa lamang.

Magandang banggitin natin ang ilang mga halimbawa ng pag-unawa at pagtupad sa misyon ng Diyos sa mapanghamong panahon. Kapuri-puri ang gawaing ginawa nung isang taon ng UCCP Sta. Cruz sa inyong pagkupkop at pagkalinga sa mga binaha ninyong kababayan dahil sa bagyong Ondoy at Santi. Kahanga-hanga rin ang pagdagsa ng tulong ng ating mga kapatiran sa ganoong mapanghamong mga araw. Hindi rin natin maisasantabi ang ginawang pagkupkop ng ilang mga tahanan sa mga pastor na may banta sa kanilang buhay.

Pero sana naman po ay pag-isipan namang mabuti ng ilang malalaking iglesyang UCCP kung saan ba dadalhin ang pondo na kanilang nalilikom. Ang mga proyekto bang kanilang pinagpapagalan ay  higit na nakakatulong sa mga mahihirap o lalong nagpapabigat sa kanilang buhay. Baka naman laging ang maimpluwensya ang napapaboran sa kanilang mga balakin. Sana’y suriin nating maigi ang ating ministeryo. Nawa’y bigyang prayoridad ang mga proyekto at programang nagsisilbing pagsaksi natin sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo ni Kristo tungo sa mas malawak na pamayanan at hindi para lamang paglingkuran ang ating mga sarili.

Alalahanin nating ang iglesya na nakakaunawa at tumutupad sa misyon ng Diyos ay sumasang-ayon at hindi tumatalikod sa panukala ng Diyos. Siya’y laging handa  na kumilala sa kalooban ng Manlilikha at matapat  na tumatalima sa pagpapalaganap ng mabuting balita lalo’t higit sa mga taong nakakaranas ng kabagabagan at kawalan ng pag-asa.

Mga kapwa-lingkod ng Diyos, halina’t magtulong-tulong tayo sa pagpapaunawa at pagpapatupad ng mahalagang utos ng pagpapahayag ng Magandang Balita ng kaligtasan at kalayaan. Sa mapanghamon at kritikal na mga araw na ating nararanasan, higit tayong kailangan at inaasahan ng Panginoon bilang kanyang kabalikat. Nawa’y lagi tayong kakitaan ng ibayong pagsusumikap sapagkat alam nating anumang gawain ating inumpisahan ay hindi mawawalang  saysay sa mata ng dakilang Manlilikha. Sa Kanyang ang papuri ngayon at magpakailan man. Amen.

 

(Exchange Preachers’ Sunday, August 15, 2010)